Showing posts with label Personal Box. Show all posts
Showing posts with label Personal Box. Show all posts

Sunday, September 15, 2013

Shots, Shits, Shut Down

Hiatus - a gap or interruption in space, time, or continuity; a break. It seems so long but it almost feels like yesterday.

Mahabang panahon na rin pala ang itinikom ng bungangerong boses sa loob ng bungo ko. Matagal na ring nakatahi’t tahimik na magkalapat ang aking mga labi. Halos mabulok na ang laman sa loob ng ulo ko sa dami ng langaw na dapat bugawin.

Mahirap nga naman sa isang kritiko ang manahimik habang ang boses sa loob kanyang utak ay namamaos na sa kasisigaw. Nanahimik subalit hindi napipi. Nanatiling kimi at kinimkim ang mga salitang ninanais isuka. Oo. Malapot at mapait na ang suka. Handa nang sa inyong mga diwa’y maging patuka.

Bagong yugto. BPO set up pa rin. Hindi gaya ng dati na ang tawag sa akin ay “The Ultimate Anti-Social,” na para bang tutugtog ang theme song ng isang superhero sa tuwing mababanggit ng mga kaibigan at katrabaho. Unti-unting nabago ang dating on-the-dot umuwi at bahay-opisina lang ang playground. Bilang isang empleyado, na araw-araw nakakasalamuha ang iba’t ibang uri ng taong nagmumula sa iba’t iba’t kanikaniyang mga planeta, hindi maikakailang bahagi ng survival ang pakikisama.

Halimbawa ng pakikisama: TEAM BUILDING. Karaniwang deskripsyon ng kumpanya? It’s a company event which aims to promote team work and camaraderie among players in the workforce. Yada-yada-yada. Sa management lang yata tugma ang depinisyong ito. Sa mga ahente, ito ay plain FUN. O ‘yon lang kasi ang ibinulong ng maliit na boses habang itinitipa ko ang mga salitang ‘to.

Kamakailan nga ay ginanap ang team building party ng kinabibilangan kong program. Second anniversary celebration. Nakatutuwa namang isipin na nagiging parte na ako ng isang lumalagong business. Masayang isipin na hindi lamang isang produktibong grupo ang kinabibilangan ko kundi isa na ring pamilya. Habang bumubuhos ang malakas na ulan ay bumubuhos din ang party energy sa CenterStage sa Makati.


Ano pa ba ang perfect formula ng isang fun party? Ano pa ba kundi BOOZE + MANGANGATA AT MGA BUNGANGANG NGANGATA + TAWANAN + DIM LIGHTS + CHIT-CHATS + MUSIC = ECSTASY. Iyon na nga ang pormyulang sinundan namin. Habang bumabagyo sa labas ay gumagawa naman kami ng sarili naming lindol sa loob.

Medyo hindi ko nga lang nasundan ang mga ibang pangyayari. May kani-kaniyang pinagkakaabalahan kasi at isa pa, literal na parang kumikidlat sa loob sa dami ng mga kamerang flash dito at flash doon. Hindi mo rin talaga masisisi ang mga repa. Marahil ay ninais lamang i-capture ang mga ngiti, awkward at basag na mukha ng mga kasama. Na-capture nga naman. Puro pula nga lang ang mga mata!

SHOT NA, SHOT NA, SHOO-oo-OOOT na HOY!
Bakit nga ba indispensable part ng party ang alak? Minsan nga una pang iniisip kung ano ang lalaklakin kaysa sa ihahanda. 'Di bale nang walang pambara basta ba may panghugas sa mga lumang tinga.

Hindi ako malakas uminom. Social drinker ayon sa iba. (Hindi ko pa rin ma-gets kung bakit social drinker. Sosyal na manginginom ba?) 

Parte ulit ng pakikisama. Uminom din ako ng tequila. Hindi ko nga lang alam kung tinamaan ako sa espiritu ng alak o sa namumuting labi ng shot glass dulot ng masustansiyang asin. Masaya naman lalo na sa tuwing nakikipagbanggaan ka ng baso sa mga kaibigan. Ewan ko rin kung bakit  nakaka-lift ng spirit ‘yon. Nakikipagngisihan ka lang naman habang naghihintay sa hudyat ng kung sino na umpisahang halikan na ang baso. Ewan. Hindi siguro ako sanay sa sosyal na inuman. Dati naman kasi sa kanto lang kasama ng mga barkada at yung malinaw na likidong may 65 proof ng alcohol mula sa tubo na ibinebenta sa boteng may kulay asul na label lang ang iniinom namin, solb na.

Unti-unti, medyo tinamaan rin ako. Para bang underwater na ang mga nangyayari sa paligid. Nakakapag-isip naman ako ng matino pero parang slow motion na ang lahat. Lalo ko pa ‘atang di nasundan ang mga sumunod na eksena.


Pero teka bumisita nga pala si Laureen Uy. Tao nga rin pala sila. Nagsasaya. O marahil ay nais ding lumimot ng mga shit sa buhay nila.

SHITS... OH the DREADED SHITS!
Isa pa sa mga ‘di mawawala sa tuwing sinasapian na ng espiritu ng alak ay ang mga emoterang palaka. Kung binasa niyo ito at tinamaan kayo, PEACE. Wala akong masamang intensiyon. Ako man, kapag may sapat nang impluwensya ng alkohol ay madalas na napapapost ng emoticons. (Bakit ko sinabi ‘yon? Tsk.)

Pero aminin mo, may naitulong din kahit paano ang alak sa team building na ito. Ang pagpapasa-ilalim kasi sa impluwensya nito ay isang halimbawa ng heightened reality. Kung hindi nakainom kahit konti man lang ay wala ka sa kapasidad na ibaba ang mga pader at kumot na nakatabing upang ganap mong maipakita sa lahat ang hitusra ng maliit na seldang kinasasadlakan mo. O baka hindi mo nahawakan ang kamay o nayakap (genuinely) ang kaibigan sa harap mong naglalahad ng mga shit na nangyari ilang segundo bago kayo umupo. O kaya’y baka hindi mo natignan ng diretso sa mata ‘yong taong kaharap mo. Isang tinging mistulang makakakita kung sino nag ba iyong maliit na taong nasa loob ng selda sa bungo niya.

Baka hindi ka nakasayaw na parang may sili sa puwet o hindi nagngangangawa sa mikropono habang inuubos ang mahabang listahan ng kantang dinutdot mo sa karaoke. Higit sa lahat baka hindi ka, kahit saglit man lang, nagpakatotoo. Dahil sa normal mong estado, may kakayahan kang mag-isip ng matino at salain ang mga lalabas sa bibig mo at ikikilos ng katawan mo. Healthy rin naman ang minsa’y isa kang isdang kakawag-kawag sa labas ng aquarium mo.

SHUT DOWN...
Isa pa sa nakakaaliw, sa tuwing matatapos na ang kasiyahan, ay palaging may mga mag-stir ng drama. Meron diyang bangenge na at wala na sa huwisyo. Pero sa mga drinking sessions na dinaluhan ko, palagi naman may ganyan. Pare-pareho naman kayong uminom. Nagsaya. Tumawa. Meron lang sigurong missing link na hindi mo napansin. Marahil ay mas mabigat ang shit na dinadala niya kaya di mo nahalatang mas mataas ang mga shot niya.


Pero sa huli, alam naman niyang nariyan ka. Handang umalalay sa natisod na siya. That’s the beauty of friendship. 'Yung kahit mawala ka na sa ulirat at maligo ka sa sarili mong patuka’y tiwala ka pa ring uuwi kang buo at masaya. Iyong gumagapang ka na’y humihirit pa ang mga mokong ng patawa. Pero alam mong kampante ka dahil “we got your back, bro” ang litanya nila.

So much for the shots and shits. Ang importante nasubukan kong makisama at ma-survive ang isang masayang gabi. Pagod. Puyat. Lasing. Pero ‘yung maliliit na bagay at mga lessons na hindi napapansin ng iba, inipon ko ‘yon my friends. Itinago sa maliit na shot glass ng happiness. Sa tuwing may shit na sumusundot sa lamang loob kong patuloy ang pagkislot, itatagay natin ’yon nang pasumandali, sa inyong mga ngiti, ako'y bubunghalit ng tawa muli. LONG LIVE HomeAway!


PS:
Salamat sa award. Sa mga mentors ko sa Email Team, sa inyo ang tagumpay!

Monday, December 3, 2012

HUBS World Annihilated

Muli pa bang makasasambit
itong piping nagpupumilit,
ngayong ang tinatangi'y tangay na
sa isang mundong banyaga...
alikabok ay pinananawan ng mahika,
mga bitui'y naninimdim at nagdurusa,
Kung ang lahat ay sawa na
sa digmaan ng nagsasalungat na diwa,
mag-uunahan galaw ng bawat isa
sa ritmong ubod ng pakla
at ang paru-parong aking kinalinga'y
nahubdan ng rikit at hiwaga.
mga tali'y nagsikalasan tungo sa pagkauhaw,
batobalani'y nagpupumiglas...
pinalalawig distansiya nitong mga puso.
Moog ba'y nirupok ng huwad at mga multo?
Sino nga ba AKO, ikaw nga ba ay SINO?
Lohika ba'y pasimuno
sa pagguho nitong ating mundo.

Sunday, September 16, 2012

Ako si Dexter Quimson, Laking Camiling

Pakiramdam ko nitong mga nakaraang araw ay napakalayo ko sa mundo samantalang nakatungtong pa rin naman ako sa ibabaw nito. Nakahahapo rin pala ang patuloy na paghahabol sa mga bagay na sa tuwing papalapit ka ng papalapit ay siya rin namang mistulang paglayo ng  distansya ng mga ito. Ang bilis ng takbo ng oras dito sa Maynila. Hindi mo pa naipipikit ang mga mata mo’y pipilitin mo na namang imulat ang mga ito upang muling magbalik sa trabaho. Kung hindi, pupulutin kang nakanganga sa lansangan  habang umaamot ng ilalaman sa tiyan.

Nakasusuya. Nakasasawa. Nakatatabang.

Ganyan ang tingin ko sa paulit-ulit kong  pagsalubong sa napakagulong siyudad kung saan hanap nang hanap ang mga tao at ang paglalakbay ay dinadaan sa bilis ng ng paghabol sa oras. Walang kapaguran o mas mainam sabihing bawal ang mapagod. Literal at metaporikal, nangangapal na ang kalyo ko sa talampakan sa haba na ng nilakbay ko. At ‘yun ay sa dalawampu’t dalawang taon pa lamang na iginugol ko sa mundo. Sa ganitong mga panahon ko naiisip na umuwi sa bayan namin. Nangungulila ako sa mga lugar at bagay na nakasanayan at kinalakhan ko (haay!).

Naniniwala akong maaari mong mas makilala ang katauhan ng tao sa lugar na pinagmulan niya. Bawat aspetong bumubuo rito ay tiyak, malaki man o kakarampot, ay may nai-ambag sa kung ano siya sa kasalukuyan. Bilang blog ko ng binabasa mo ngayon, bibigyan kita ng pagkakataong malaman ang isang bahagi ng aking pagkatao.

Camiling, Magaling!
‘Yan ang islogan ng bayan kung saan ako ipininanganak at nagka-isip. Ang Camiling ay isa sa mga pangunahing munisipalidad sa kanlurang bahagi ng lalawigan ng Tarlac. Kung isa kang biyahero at patungong norte marahil pa-Pangasinan, tiyak na daraan at daraan ka sa bayan namin. Naaalala ko pa na sa tuwing umuuwi ako sa bayan ay nakahilera sa paradahan ng mga bus at dyip ang mga naglalako ng karaniwang pagkain sa daan gaya ng balut, mani, fish balls, bibingka at tupig panghawi ng biyahilo. Bumababa ka pa lang ay nalalasap mo na ang ispiritu ng pagiging isang CamileƱo.

SABIK
Sa tuwing tarangkahan mo'y
akin nang abot tanaw
Nauupos ang pangungulila,
Napapawi ang panglaw.

Ganito ang hitsura ng lumang simbahan
ng Parokya ng San Miguel Arcanghel
bago matupok ng apoy noong 2007.
Bilang napaliligiran din ito ng iba pang munisipalidad, naging sentro na rin ito ng komersyo at kalakalan. Marami ring opurtunidad ang naibibigay nito sa mga taga-ibang bayan dahil sa Camiling sila naglalako ng kanilang mga produkto. Patuloy pa rin itong umuunlad. Sa dalawang taong pagkawalay ko dito, sa mga iilang pagkakataong nakakabisita ako’y kapansin-pansin ang patuloy nitong pag-unlad. Pero may mga bakas pa ring nakakapagpa-alala pa rin ang mga ng kabataan ko tulad ng lumang simbahang tinupok ng apoy noon. Habang nasusunog ito noo’y nakadapa ako sa kalsada, kundi dahil ako’y nagdarasal o namamanata, kundi dahil nasagasaan ako ng isang usiserong nakabisekleta.

Tatak Camiling, Lasang Camiling
Isa sa mga kilalang bumubuo ng pagkakakilanlan ng isang lugar ay ang lasang iyong babalik-balikan. Ito ‘yung indibidwal na kontribusyon niya sa sanlaksang hapag ng pagka-Pilipino. Hindi papatalo ang Camiling diyan. Kilala ang bayan namin sa chicharon. Hindi man ito gano’n kalaganap sa Pilipinas, tiyak na  uulit-ulitn mo ito kappa-natikman. Hindi ito ‘yung chicharon na karaniwang inilalako sa daan na nilalagyan ng suka. Ito ay may hawig sa bagnet pero malutong ang balat at “juicy” sa loob. P’wedeng  ulamin ng may kamatis  at alamang o sawsawang bagoong, suka at bawang. Ang pinakagusto ko, ‘yung kapag isinahog ito sa pinakbet. Mapapakain ako ng todo ‘pag nagkataon. Yum!



Isa pa sa mga namimiss ko ‘yung iniruban. Tiyak kong napapakunot na ang noo mo kung dayuhan man sa iyong pandinig ang sinabi ko? Ito ay prinosesong diket o malagkit na kulay berde o lumot. Mula sa palay ay iniihaw (pag-irob) hanggang sa malaglag ang mga butil tsaka naman binabayo hanggang sa matanggal ang ipa at lumambot. Masarap itong gawing mga kakanin tulad ng inkiwar (sinaing sa gata), latik at suman.



Isa sa mga atraksyon sa Camiling Chicharon-Iniruban Festival
 ang street dancing exhibitions.
Nakalulungkot lang at madalang na lang ang gumagawa at nagbebenta nito dahil matrabaho at may kamahalan. Pero isinasabuhay namin ito sa pagdiriwang ng Chicharon Iniruban Festival na kadalasang ginaganap sa mga huling linggo ng Oktubre o sa pagbubukas ng Nobyembre. Naaalala ko pang walang palya akong lumalahok sa mga street dancing exhibition. Kung ‘di man bilang isang mananayaw ay naka-alalay ako sa mga kalahok.

Sino sikat? Camiling daw sabi ni Gat!
 Napapayuko pa ako dati sa tuwing ang pinag-uusapan ay mga pinagmulang lugar. Karamihan kasi sa mga kakilala ko ay may naipagmamalaking sikat na artist o politico. Pero ngayon ang pambasang bayaning si Jose Rizal na mismo ang magsasabing sikat ang taga-Camiling. Nabighani nga siya kay kababayang si Leonor Rivera na isinabuhay bilang Maria Clara sa kanyang mga nobela.

Ilan pa sa mga sikat kong kababayan ay sina Alberto Romulo (dating Foreign Secretary, senador at Executive Secretary), Cesar Bengzon (dating Punong Mahistrado),  Onofre Corpuz (dating kalihim ng Edukasyon, Kultura at Isports) at siyempre si Dexter (dadag ko nalang ‘yon!). Taas noo, CamileƱo ako!

Tahanan din ito ng Tarlac College of Agriculture kung saan ako nag-aral ng koliheyo. Kung dati ay blangko lang mukha ng mga tao sa tuwing binabanggit ang pangalan ng aming kolehiyo ngayon ay naging  kilala na ito sa larangan ng agrikultura at iba pang mga larangan. Dito rin ako natutong maghabi, magtagpi-tagpi ng mga salita at bumuo ng mga kwento, balita, at mga sulating naibabahagi ko sa ibang tao.

‘Di man sikat, sa puso ko nama’y walang katapat!
Wala man itong ipinagmamalaking mga dagat, kuweba o bundok ay buong pagmamalaki ko pa ring ipinagpapsalamat ang pagiging isang mamamayan ng bayan ng Camiling. Dito ako natutong unang humakbang, nadapa, nasagasaan, umibig, nabigo at higit sa lahat harapin ang buhay ng may pag-asa lagi sa puso.


Kung wala ang Camiling, marahil wala ka ring binabasa ngayon. Tama nga ang sinabi nilang, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan.” Dahil sa pagbalik tanaw mo nakukuha ang lakas upang muling magpatuloy. At sa pagsulyap mo sa mga karanasan at lugar na umaruga sa iyo’y mas nagiging ganap ang tagumpay pagdating sa itaas.

Nais ko man maging patas na tulad ng mundong bilog, oblate spheroid naman ang tunay na hugis nito. Nakahilig pa sa axis kaya kahit ngayon lang, kikiling ako dahil tunay na magaling ang bayan kong Camiling!

*** Ang awtor ay hindi inaari ang kredito para sa mga larawan

Ang blog entry na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 4


Wednesday, July 25, 2012

NOMENCLATURE: Mga Lalaki, Gaya Nila Dati, ATBP

Bilang Science ang specialization ko noong College, hindi ako pinalamapas ng mga subject na may kinalaman sa  buhay ng tao at sa pag-ikot ng mundo. Nariyang huhuli ka ng palaka, babalatan, hihiwain at imememorya mo  ang bawat laman, lamang loob, buto at litid ng mga kawawang nilalang. Tandang-tanda pa ng ilong ko ang hapding dulot sa tuwing gumuguhit ang amoy ng formaldehyde kapag binubutingting namin ang mga kamag-anak ni Kerokeropi.

Pero ang minsang ‘di kinakaya ng utak ko ay ang pagmemorya ng mga scientific names at kung paano ko maaalala kung saang phylum, class, order at kung ano pang kachorvahan nakabilang ang isang creature. Kasalanan ito ni Carolus Linnaeus e, ang Father of Modern Taxonomy. Pero keri na rin dahil at least nagkaroon ng organisasyon at walang nang dahilan upang mag-alsa ang mga aktibistang putakti dahil sa ‘di sila na-acknowledge. Aba, liban na lang kung shy type at ayaw padiscover ng lahi nila.

Homo sapiens, ito ang scientific name nating mga tao. Oo, tao kesehodang “hayop” ang tingin ng iba sa iyo. Maiba lang at gusto kong mag-astang Linnaeus. Napagtripan ko gumawa ng sariling nomenclature sa mga lalaki, aggregates at derivatives nila. (Ano raw?) Just scroll down and learn. Tsarlot J

Ƙ  HIPON (Adanus hiponis) – Almost perfect. Perfect almost. Guwapo sa malayo pero kapag lumapit na malayo na sa guwapo. Mula paa hanggang leeg e paglalawayan mo. Mga tipong pangmodel. Matangkad. Tipong panaderya ang katawan sa dami ng pandesal. Swak pangphotoshoot plus the power of Photoshop. Marami kung magpost ng picture sa Twitter at Facebook, pugot nga lang.

Ƙ  LOLLIPOP (Adanus lollipopus) – “Aanhin ang seksing body kung mukha lang ang kailangan sa ID,” ito ang tagline ng samahan ng mga ito. Puro “beauty shot” naman ang laman ng mga SNS kasi either mataba o payat ang katawan.

Ƙ BULALO (Adanus bulalowis) – Mga kamag-anak ni Dexter. Ito ‘yung malalakas ang loob makipagtexmate, phone pal at makipagchat. Magaling sa word play. Intellectual at marunong magcompliment. Maiimagine mo ang perfect guy sa tuwing kausap mo sila kaso bigla na lang nang-iiwan sa ere kapag nagreply ka na ng eyeball o cam-to-cam kahit may puh-lease pa!

Ƙ  BUKO (Adanus cocoferamen) – Nevermind na ang physical features. Kaso umaapaw naman ang inner beauty. Masipag. Malambing. Magaling manuyo at mang-amo. Nagagawan naman ng paraan ‘yan . Print lang ng picture ni Derek at itapal sa fes. Echos!

Ƙ  GAY-SHA (Adanus loveangkaparis) –Sino pa. Alam na. Plangak. Mga anak na walang magulang pero patuloy ang pagdami. Mga salita'y swardspeak, nihonggay at gay lingo. Iba’t iba ang uri. Isang bowl ng salad ang community. May sarili ring nomenclature. Effem. Pamhin/Paminta na may durog at buo. Closeta. Pagurl. Mukha nang gurl. Nagpipilit maging gurl. Sheman. Golden gay. At kung anu-ano pa. Sabi nga nila, “”We are within and amongst you!” Nakakalurkey!

Ƙ SHEBOLI (Ebasha loveangkaparis) – Ba’t kasali ‘to? Well, baka may mag-aklas at sabihing discriminating ako at maireklamo ako sa Ladlad Patry List. Baka masampahan pa ako ng kaso ng mga advocates ng LGBT. Lalaki nga naman ang topic at ‘yun ang orientation nila. Gaya ng mga Gay-sha, salad bowl din ang mga ito. Pabrusko. Discrete. You name it!

That’s it folks. Marami pa. Pagod na nga lang ako. Marami pa ring ‘di nadidiskubre. At tsaka hirap na akong isipan ng pangalan kapag ang classification ay kombinasyon na ng mga ito. Pwede kasing macategorize ang mga lalaki/dating-lalaki/gustong-maging-lalaki sa kahit dalawa o tatlo sa mga nabanggit. At dumarami pa sila. Totoo nga ang evolution. Nag-evolve na nga ang mga Homo sapiens ng hindi nila nalalaman. Sana mareincarnate na si Linnaeus, hirap ng trabaho niya e. Rest in peace. Peace! At sa mga medyo nagtaas ng kilay o uminit ang ulo, tandaan: “Bato-bato sa langit ang tamaan... charing!”

Monday, July 23, 2012

POSITIBOngga

You may have felt it, somehow an familiar feeling but chose to opt for the other. Maraming pagkakataong kinukulang tayo nito. Sa tuwing nagpapatintero ang mga bubwit sa dibdib. Sa tuwing tenga’y makasasagap ng balita. Sa tuwing may mungkahing solusyon. Hindi maaaring lumagay sa gitna. Sa huli, pipiliin ang mapusyaw, mapakla’t salat sa pag-asa.

Ito ka, humahangos at dilat ang mga mata. Kabababa mula sa dyipni. Pinagpapwisan ang magkabilang kilikili. Di maayos ang pag-iisip. Hindi lingid sa lahat ang sinapit na madukutan sa gabing ito. Mahuhuli ka na sa trabaho. Ano ang gagawin mo?

Karamihan ay tiyak na magmumukmok at maglulunoy sa pag-iisip sa mga pangyayari. Sa tuwing may mangyayari’y sa negatibong implikasyon o naidulot ng mga bagay-bagay tayo kadalasan ay kumikiling. Iisipin tiyak ang pamasahe pauwi, na nawala ang pinaglaanan ng pawis o labis pa’y kung sino ang dumukot at ang pagsumpa dito. Hindi namamalayang ang mga oras na inilalagi sa pag-iisip ng mga bagay na hindi na maibabalik ay siya naman oras na nababwas as sanay mga inutong mababayaran pa sa pagpasok.

Madalas ko ring napapansin sa tuwing nasa daan, ang mga tsuper na walang habas sa pagbusina sa tuwing tumitigil ang kanilang takbo, kesehodang dahil sa stop light or mabigat lang talaga ang trapiko. Iiling-iling na lamang ako. Aksaya sa baterya. Sila rin ang mauubusan ng enerhiya. Dagdag pa sa noise pollution. Ang kikitid ng utak. Kahit naman gaano kalaking value ng decibels ang ilalaman ng busina nila ay di naman sila makakausad. Hindi naman mahahawi ang mga sasakyan sa harapan para lamang padaaanin sila ano. Sabaw lang?

Kawalan ng positibong disposisyon, ito ang karaniwang problem sa mga namomroblemang tao. Imbes na isipin ang solusyon ay uunahin pa ang pagtuturo at paghahanap ng pangalang  maisisigaw. Madalas na napapako tayo sa kasalukuyang kalagayan at kung minsa’y binubulok natin ang ating mga sarili sa lungkot, galit, at depresyon.

Nito lang nakaraan sa SONA ng Pangulo ay malamang na mas marami ang nagtaas ng kilay sa halip na pumalakpak. Maaaring sabihin na listahan lamang ng hangin ng pamahalaan ang mahabang talumpating ‘yon. Isang klasikong halimbawa ang mga taong sinisisi ang gobyerno sa kanilang paghihirap subalit wala namang gingawa upang bigyang lunas ang sariling mga karamdaman. Sabi nga, datapwat hindi mo kasalanang ipinanganak kang mahirap ay kasalanan mo  na kung mamamatay kang isa paring dukha.

Sa kanilang paningin, hindi naman nila nararamdaman ang mga nakatala sa ulat ng Pangulo. Ang iba nama’y sasabat ng, “Yun lang?” Kung tutuusi’y dapat na ipinagpapasalamat natin na bagamat sadlak na ang Pilipinas sa kahirapan, bilang isang third world country, ay umuusad din naman.

Ako ma’y aminadong sa mga pagkakataong ako’y nahaharap sa mga mapanuksong pagsubok ay nababaling ang aking atensiyon sa mga negatibong aspeto ng bawat sitwasyon. Minsan hinananap ang mali. Pinapansin ang kulang. Mas niyayakap ang pagkabigo. Isa kasi ang pagiging insatiable sa natural na katangian nating mga tao. Pilit nating hinahanap ang perpeko sa mundong hindi perpekto.

Ano ba naman ang isipin ang positibong mga bagay. Ang solusyon.  Kung ano ang meron. Ang nagawang tama sa halip na ipagduldulan ang mali. Ang pagbangon sa halip na pagyukod. Tiyak gagaan ang lahat at ang daigdig mo’y magiging POSITIBOngga.

Mangyaring hayaang iwan ko mula sa pelikulang “Meet the Robinsons” ang mga salitang ito:


“Around here, however, we don’t look backwards for very long. 
We keep moving forward, opening up new doors and doing new things,
because we’re curious... and curiosity keeps leading us down new things.”

Paulit-ulit na wika ni Cornelius Robinson: ALWAYS KEEP MOVING FORWARD!

Saturday, July 7, 2012

Songs and Seething Rain

Rain, these little droplets of water cascading from the darkened clouds is slowly  piercing the cloak I thought was impermeable. The only sheet that keeps me safe from the demons I am trying to evade seems to yield by its bending. 

It is enticing; asking me to jump into the pool of long held thoughts and memories I am trying to supress. The songlist plays – unending! As if mocking, it reanimates every laceration from where tears and blood have long dried up.

Packing tape! Dagdag pasanin pa ang ulan na 'yan. Mahirap magpatuyo ng labahin (as if namang naglalaba ako...). Walang maisuot pampasok. Pati brief kapos na sa supply. Buti na lang at may mga boxers pang tuyo, pagtitiyagaan na kahit 'di masyadong suportado at sipunin si friendly pren sa ibaba ng puson. Mamasa-masa ang paligid. Pati loob ng kwarto may lamig na nakakikilig. Patuloy ang mga kanta sa background. Packing tape talaga!

Every time you look my way
Something in me feels so strange
And I'm starting to think you are why I'm
Stu- stu- stuttering...
STUTTERING by Jazmine Sullivan

Optimistic. This is what you become when you get smitten by love. Para bang nagkakaroon ka ng super powers at hinihintay mo na lang ang mga super villains na isa-isa mong patutumbahin. Nariyan 'yung eksenang magte-text lang ng simpleng “good morning” si crush e para ka nang buhay na pusit na inaasinan kung magkikiwal sa galak. Feel mo kasi siya lang ang perfect na tao sa mundo dahil blinded ka sa kahit anong kapintasang sabihin ng iba. PBB Teens lang ang peg!

And you completely know the power that you have
The only one that makes me laugh
Sad and it’s not fair how you take advantage of the fact
That I love you beyond the reason why
And it just ain’t right...
HATE THAT I LOVE YOU by Rihanna

Tapos magiging kayo. Pakipot na pa-obvious (if you know what I mean). Ang totoong getting to know each other stage naman e nagco-commence lang 'pag item na talaga kayo. Ang magic of love nga naman. 'Pag may mga konting tampuhan 'aba peace offerings lang ang katapat niyan. Alam na alam niyo kung papaano aamuhin ang isa't isa. Siyempre “high noon” pa ng kilig factor ang drama niyo. Nariyan ang hugs and kissess, HHWW, at mga endearments. Halos 'di mapaghiwalay at kung mgakahiwalay man e konektado pa rin sa text, tawag o SNS. Pak!

I never meant to start a war
You know I never wanna hurt you
Don't even know what we're fighting for
Why does love always feel like a battlefield
A battlefield, a battlefield?
BATTLEFIELD by Jordin Sparks

Here comes the point na masyado na kayong all over each other. Minsan kasi magkaiba ang “siya ang isa sa dahilan kung bakit umiikot ang mundo ko” sa “siya ang mundo ko”. Ang trust ay hindi basta-basta ibinibigay or should I say walang taong nakapagbibigay ng 100 % nito. Hundred percent is a superficial idea. Dahil sa sobrang mahal mo ang isang tao, nagiging possesive ka. Tipong 'yung iba guardia sibil ang role. Alam ang password sa FB, Twitter, YM, skype, cellphone etc. ni partner. Gusto e realtime mag-update si bowa na ultimo pagdumi dapat alam nila. Pero 'di mo alam pati siya bantay din sa iyo. Kapag nag-fail ang trust and you let your guards down, babaha na niyan ng luha panigurado. Mas madalas na kayong buwisit sa isa't isa. Away-bati. Pero ang lamat ay mananatiling lamat. You will definitely carry a tinge of doubt no matter what. Minsan  cool-off. Pero ang tingin ko kasi sa cool-off e parang telenobelang ine-extend na lang ang airing, kontinna lang offline na rin.

They say we dont fit together
And I could do better
There's always something
They dont know the hell we've been through
Cause when you hold me like you do
That's when I want to change nothing...
CHANGE NOTHING by Jessica Sanchez

Daraan ang lovers sa baku-bakong daan. Nariyan ang mga friends na minsan e ayaw kay bowa. Minsan 'di natin pinakikinggan. Kahit alam mong nagfe-fail na ang relasyon e umaasa ka pa ring mauunat ang mga kusot. Sa dami ba naman ng pinagdaanan niyo. Pero ang friends alam 'yan. Pero ikaw hopeful pa rin at ignore lang ang peg mo.  Iindtindihin mo na lang nang iintindihin pero, ampota, patuloy ka pa rin sa pagpa-pry sa mga activities niya. Although okay ka, subconsciously humahanap ka ng butas. Naghahanap ka ng vindication na totally mag-fail man, siya dapat ang may kasalanan.

I won't soar, I won't climb
If you're not here, I'm paralyzed
Without you, without you
I can't look, I'm so blind
I lost my heart, I lost my mind
WITHOUT YOU by David Guetta

Emo mode. Eto ka kapag nagcool-off. Space raw para mare-assess ang mga pangyayari. Either way isa sa inyo maaaring maka-connect uli pero ang isa malamang na ang ina-assess ay yung other option na. 

But you put on quite a show, really had me going
But now it’s time to go, curtain’s finally closing
That was quite a show, very entertaining
But it’s over now
Go on and take a bow...
TAKE A BOW by Rihanna

Pero darating ang Apocalypse. Magsasawa sa isa't isa at mayroong maliligaw sa ibang ilog. Dito na magka-crumble ang superficial na trust. Sabi nga nila, laging makakarating ka sa isang dead end sa sanga-sangang daan ng pag-ibig. (Tissue puhlease!) Kapag nagkahulihan na, maaaring magsumbatan, magsisihan, at magsuyuan man, wala na talaga. Ang dating sweet nothings ay magiging bitter everything. Masakit. Kumikibot-kibot ang kirot sa puso. Separate ways na and peg.

Pinagdaanan ko na lahat. Darating talaga ‘yung time na mangyayari ang mga yan. DABDA. Denial. Anger. Bargaining. Depression. Addiction. May iba’t ibang faces na kailangan mong lusutan. Huwag na huwag ka lang masyadong maglinger sa isa at siguradong mapag-iiwanan ka.

At para sa IYO ito...

And I’m gonna fight to keep you mine,
Before I let you walk out of my life...
I’ll die, if you’re not by my side
I’m gonna fight for the life
I’ve been looking for...for so much life
I’m gonna fight,
I’m gonna fight...
FIGHT by J Rice

After all, pagkatapos ng lahat you’ll see the world at a better life. There’s always a rainbow after the rain ‘ika nga.