Hiatus - a gap or interruption in space, time, or continuity; a break. It seems so long but it almost feels like yesterday.
Mahabang panahon na rin pala ang itinikom ng bungangerong
boses sa loob ng bungo ko. Matagal na ring nakatahi’t tahimik na magkalapat ang aking mga labi. Halos mabulok na ang
laman sa loob ng ulo ko sa dami ng langaw na dapat bugawin.
Mahirap nga naman sa isang kritiko ang manahimik habang ang
boses sa loob kanyang utak ay namamaos na sa kasisigaw. Nanahimik subalit hindi
napipi. Nanatiling kimi at kinimkim ang mga salitang ninanais isuka. Oo. Malapot
at mapait na ang suka. Handa nang sa inyong mga diwa’y maging patuka.
Bagong yugto. BPO set up pa rin. Hindi gaya ng dati na ang tawag sa akin ay “The
Ultimate Anti-Social,” na para bang tutugtog ang theme song ng isang
superhero sa tuwing mababanggit ng mga kaibigan at katrabaho. Unti-unting
nabago ang dating on-the-dot umuwi at bahay-opisina lang ang playground. Bilang
isang empleyado, na araw-araw nakakasalamuha ang iba’t ibang uri ng taong nagmumula sa iba’t iba’t kanikaniyang mga planeta, hindi maikakailang bahagi ng survival
ang pakikisama.
Halimbawa ng pakikisama: TEAM BUILDING. Karaniwang
deskripsyon ng kumpanya? It’s a company event which aims to promote team
work and camaraderie among players in the workforce. Yada-yada-yada. Sa
management lang yata tugma ang depinisyong ito. Sa mga ahente, ito ay plain
FUN. O ‘yon lang kasi ang ibinulong ng maliit na boses habang itinitipa ko ang
mga salitang ‘to.
Kamakailan nga ay ginanap ang team building party ng
kinabibilangan kong program. Second anniversary celebration. Nakatutuwa namang
isipin na nagiging parte na ako ng isang lumalagong business. Masayang isipin
na hindi lamang isang produktibong grupo ang kinabibilangan ko kundi isa na ring
pamilya. Habang bumubuhos ang malakas na ulan ay bumubuhos din ang party energy
sa CenterStage sa Makati.
Ano pa ba ang perfect formula ng isang fun party? Ano pa ba
kundi BOOZE + MANGANGATA AT MGA BUNGANGANG NGANGATA + TAWANAN + DIM LIGHTS + CHIT-CHATS
+ MUSIC = ECSTASY. Iyon na nga ang pormyulang sinundan namin. Habang bumabagyo sa
labas ay gumagawa naman kami ng sarili naming lindol sa loob.
Medyo hindi ko nga lang nasundan ang mga ibang pangyayari.
May kani-kaniyang pinagkakaabalahan kasi at isa pa, literal na parang kumikidlat
sa loob sa dami ng mga kamerang flash dito at flash doon. Hindi mo rin talaga
masisisi ang mga repa. Marahil ay ninais lamang i-capture ang mga ngiti,
awkward at basag na mukha ng mga kasama. Na-capture nga naman. Puro pula nga
lang ang mga mata!
SHOT NA, SHOT NA, SHOO-oo-OOOT na HOY!
Bakit nga ba indispensable part ng party ang alak? Minsan nga
una pang iniisip kung ano ang lalaklakin kaysa sa ihahanda. 'Di bale nang walang
pambara basta ba may panghugas sa mga lumang tinga.
Hindi ako malakas uminom. Social drinker ayon sa iba. (Hindi
ko pa rin ma-gets kung bakit social drinker. Sosyal na manginginom ba?)
Parte ulit ng
pakikisama. Uminom din ako ng tequila. Hindi ko nga lang alam kung tinamaan ako
sa espiritu ng alak o sa namumuting labi ng shot glass dulot ng masustansiyang asin.
Masaya naman lalo na sa tuwing nakikipagbanggaan ka ng baso sa mga kaibigan.
Ewan ko rin kung bakit nakaka-lift ng
spirit ‘yon. Nakikipagngisihan ka lang naman habang naghihintay sa hudyat ng
kung sino na umpisahang halikan na ang baso. Ewan. Hindi siguro ako sanay sa
sosyal na inuman. Dati naman kasi sa kanto lang kasama ng mga barkada at yung
malinaw na likidong may 65 proof ng alcohol mula sa tubo na ibinebenta sa
boteng may kulay asul na label lang ang iniinom namin, solb na.
Unti-unti, medyo tinamaan rin ako. Para bang underwater
na ang mga nangyayari sa paligid. Nakakapag-isip naman ako ng matino pero
parang slow motion na ang lahat. Lalo ko pa ‘atang di nasundan ang mga sumunod na
eksena.
Pero teka bumisita nga pala si Laureen Uy. Tao nga rin pala
sila. Nagsasaya. O marahil ay nais ding lumimot ng mga shit sa buhay nila.
SHITS... OH the DREADED SHITS!
Isa pa sa mga ‘di mawawala sa tuwing sinasapian na ng
espiritu ng alak ay ang mga emoterang
palaka. Kung binasa niyo ito at tinamaan kayo, PEACE. Wala akong masamang intensiyon.
Ako man, kapag may sapat nang impluwensya ng alkohol ay madalas na napapapost ng
emoticons. (Bakit ko sinabi ‘yon? Tsk.)
Pero aminin mo, may naitulong din kahit paano ang alak sa
team building na ito. Ang pagpapasa-ilalim kasi sa impluwensya nito ay isang
halimbawa ng heightened reality. Kung hindi nakainom kahit konti man lang ay wala
ka sa kapasidad na ibaba ang mga pader at kumot na nakatabing upang ganap mong
maipakita sa lahat ang hitusra ng maliit na seldang kinasasadlakan mo. O baka
hindi mo nahawakan ang kamay o nayakap (genuinely) ang kaibigan sa harap mong
naglalahad ng mga shit na nangyari ilang segundo bago kayo umupo. O kaya’y baka
hindi mo natignan ng diretso sa mata ‘yong taong kaharap mo. Isang tinging mistulang
makakakita kung sino nag ba iyong maliit na taong nasa loob ng selda sa bungo niya.
Baka hindi ka nakasayaw na parang may sili sa puwet o hindi nagngangangawa sa mikropono habang inuubos ang mahabang listahan ng kantang
dinutdot mo sa karaoke. Higit sa lahat baka hindi ka, kahit saglit man lang,
nagpakatotoo. Dahil sa normal mong estado, may kakayahan kang mag-isip ng
matino at salain ang mga lalabas sa bibig mo at ikikilos ng katawan mo.
Healthy rin naman ang minsa’y isa kang isdang kakawag-kawag sa labas ng
aquarium mo.
SHUT DOWN...
Isa pa sa nakakaaliw, sa tuwing matatapos na ang kasiyahan, ay palaging
may mga mag-stir ng drama. Meron diyang bangenge na at wala na sa huwisyo. Pero
sa mga drinking sessions na dinaluhan ko, palagi naman may ganyan. Pare-pareho
naman kayong uminom. Nagsaya. Tumawa. Meron lang sigurong missing link na hindi
mo napansin. Marahil ay mas mabigat ang shit na dinadala niya kaya di mo
nahalatang mas mataas ang mga shot niya.
Pero sa huli, alam naman niyang nariyan ka. Handang umalalay
sa natisod na siya. That’s the beauty of friendship. 'Yung kahit mawala ka na
sa ulirat at maligo ka sa sarili mong patuka’y tiwala ka pa ring uuwi kang buo at masaya.
Iyong gumagapang ka na’y humihirit pa ang mga mokong ng patawa. Pero alam mong kampante ka
dahil “we got your back, bro” ang litanya nila.
Salamat sa award. Sa mga mentors ko sa Email Team, sa inyo
ang tagumpay!
1 comment:
Naks naman dex! Kaya pala finofollow mo blog ni liz uy. Blogger ka din pala! Tahimik mo kasi maxado kaya madalang lang din kitang makakwentuhan! Kaw na! More! Hehe.
Post a Comment