Pakiramdam ko nitong mga nakaraang araw ay napakalayo ko sa mundo samantalang nakatungtong pa rin naman ako sa ibabaw nito. Nakahahapo rin pala ang patuloy na paghahabol sa mga bagay na sa tuwing papalapit ka ng papalapit ay siya rin namang mistulang paglayo ng distansya ng mga ito. Ang bilis ng takbo ng oras dito sa Maynila. Hindi mo pa naipipikit ang mga mata mo’y pipilitin mo na namang imulat ang mga ito upang muling magbalik sa trabaho. Kung hindi, pupulutin kang nakanganga sa lansangan habang umaamot ng ilalaman sa tiyan.
Nakalulungkot lang at madalang na lang ang gumagawa at nagbebenta nito dahil matrabaho at may kamahalan. Pero isinasabuhay namin ito sa pagdiriwang ng Chicharon Iniruban Festival na kadalasang ginaganap sa mga huling linggo ng Oktubre o sa pagbubukas ng Nobyembre. Naaalala ko pang walang palya akong lumalahok sa mga street dancing exhibition. Kung ‘di man bilang isang mananayaw ay naka-alalay ako sa mga kalahok.
Tahanan din ito ng Tarlac College of Agriculture kung saan ako nag-aral ng koliheyo. Kung dati ay blangko lang mukha ng mga tao sa tuwing binabanggit ang pangalan ng aming kolehiyo ngayon ay naging kilala na ito sa larangan ng agrikultura at iba pang mga larangan. Dito rin ako natutong maghabi, magtagpi-tagpi ng mga salita at bumuo ng mga kwento, balita, at mga sulating naibabahagi ko sa ibang tao.
Ang blog entry na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 4
Nakasusuya. Nakasasawa. Nakatatabang.
Ganyan ang tingin ko sa paulit-ulit kong pagsalubong sa napakagulong siyudad kung saan hanap nang hanap ang mga tao at ang paglalakbay ay dinadaan sa bilis ng ng paghabol sa oras. Walang kapaguran o mas mainam sabihing bawal ang mapagod. Literal at metaporikal, nangangapal na ang kalyo ko sa talampakan sa haba na ng nilakbay ko. At ‘yun ay sa dalawampu’t dalawang taon pa lamang na iginugol ko sa mundo. Sa ganitong mga panahon ko naiisip na umuwi sa bayan namin. Nangungulila ako sa mga lugar at bagay na nakasanayan at kinalakhan ko (haay!).
Naniniwala akong maaari mong mas makilala ang katauhan ng tao sa lugar na pinagmulan niya. Bawat aspetong bumubuo rito ay tiyak, malaki man o kakarampot, ay may nai-ambag sa kung ano siya sa kasalukuyan. Bilang blog ko ng binabasa mo ngayon, bibigyan kita ng pagkakataong malaman ang isang bahagi ng aking pagkatao.
Camiling, Magaling!
‘Yan ang islogan ng bayan kung saan ako ipininanganak at nagka-isip. Ang Camiling ay isa sa mga pangunahing munisipalidad sa kanlurang bahagi ng lalawigan ng Tarlac. Kung isa kang biyahero at patungong norte marahil pa-Pangasinan, tiyak na daraan at daraan ka sa bayan namin. Naaalala ko pa na sa tuwing umuuwi ako sa bayan ay nakahilera sa paradahan ng mga bus at dyip ang mga naglalako ng karaniwang pagkain sa daan gaya ng balut, mani, fish balls, bibingka at tupig panghawi ng biyahilo. Bumababa ka pa lang ay nalalasap mo na ang ispiritu ng pagiging isang Camileño.
SABIK Sa tuwing tarangkahan mo'y akin nang abot tanaw Nauupos ang pangungulila, Napapawi ang panglaw. |
Ganito ang hitsura ng lumang simbahan ng Parokya ng San Miguel Arcanghel bago matupok ng apoy noong 2007. |
Bilang napaliligiran din ito ng iba pang munisipalidad, naging sentro na rin ito ng komersyo at kalakalan. Marami ring opurtunidad ang naibibigay nito sa mga taga-ibang bayan dahil sa Camiling sila naglalako ng kanilang mga produkto. Patuloy pa rin itong umuunlad. Sa dalawang taong pagkawalay ko dito, sa mga iilang pagkakataong nakakabisita ako’y kapansin-pansin ang patuloy nitong pag-unlad. Pero may mga bakas pa ring nakakapagpa-alala pa rin ang mga ng kabataan ko tulad ng lumang simbahang tinupok ng apoy noon. Habang nasusunog ito noo’y nakadapa ako sa kalsada, kundi dahil ako’y nagdarasal o namamanata, kundi dahil nasagasaan ako ng isang usiserong nakabisekleta.
Tatak Camiling, Lasang Camiling
Isa sa mga kilalang bumubuo ng pagkakakilanlan ng isang lugar ay ang lasang iyong babalik-balikan. Ito ‘yung indibidwal na kontribusyon niya sa sanlaksang hapag ng pagka-Pilipino. Hindi papatalo ang Camiling diyan. Kilala ang bayan namin sa chicharon. Hindi man ito gano’n kalaganap sa Pilipinas, tiyak na uulit-ulitn mo ito kappa-natikman. Hindi ito ‘yung chicharon na karaniwang inilalako sa daan na nilalagyan ng suka. Ito ay may hawig sa bagnet pero malutong ang balat at “juicy” sa loob. P’wedeng ulamin ng may kamatis at alamang o sawsawang bagoong, suka at bawang. Ang pinakagusto ko, ‘yung kapag isinahog ito sa pinakbet. Mapapakain ako ng todo ‘pag nagkataon. Yum!
Isa pa sa mga namimiss ko ‘yung iniruban. Tiyak kong napapakunot na ang noo mo kung dayuhan man sa iyong pandinig ang sinabi ko? Ito ay prinosesong diket o malagkit na kulay berde o lumot. Mula sa palay ay iniihaw (pag-irob) hanggang sa malaglag ang mga butil tsaka naman binabayo hanggang sa matanggal ang ipa at lumambot. Masarap itong gawing mga kakanin tulad ng inkiwar (sinaing sa gata), latik at suman.
Isa sa mga atraksyon sa Camiling Chicharon-Iniruban Festival ang street dancing exhibitions. |
Sino sikat? Camiling daw sabi ni Gat!
Napapayuko pa ako dati sa tuwing ang pinag-uusapan ay mga pinagmulang lugar. Karamihan kasi sa mga kakilala ko ay may naipagmamalaking sikat na artist o politico. Pero ngayon ang pambasang bayaning si Jose Rizal na mismo ang magsasabing sikat ang taga-Camiling. Nabighani nga siya kay kababayang si Leonor Rivera na isinabuhay bilang Maria Clara sa kanyang mga nobela.
Ilan pa sa mga sikat kong kababayan ay sina Alberto Romulo (dating Foreign Secretary, senador at Executive Secretary), Cesar Bengzon (dating Punong Mahistrado), Onofre Corpuz (dating kalihim ng Edukasyon, Kultura at Isports) at siyempre si Dexter (dadag ko nalang ‘yon!). Taas noo, Camileño ako!
Tahanan din ito ng Tarlac College of Agriculture kung saan ako nag-aral ng koliheyo. Kung dati ay blangko lang mukha ng mga tao sa tuwing binabanggit ang pangalan ng aming kolehiyo ngayon ay naging kilala na ito sa larangan ng agrikultura at iba pang mga larangan. Dito rin ako natutong maghabi, magtagpi-tagpi ng mga salita at bumuo ng mga kwento, balita, at mga sulating naibabahagi ko sa ibang tao.
‘Di man sikat, sa puso ko nama’y walang katapat!
Wala man itong ipinagmamalaking mga dagat, kuweba o bundok ay buong pagmamalaki ko pa ring ipinagpapsalamat ang pagiging isang mamamayan ng bayan ng Camiling. Dito ako natutong unang humakbang, nadapa, nasagasaan, umibig, nabigo at higit sa lahat harapin ang buhay ng may pag-asa lagi sa puso.
*** Ang awtor ay hindi inaari ang kredito para sa mga larawan
Kung wala ang Camiling, marahil wala ka ring binabasa ngayon. Tama nga ang sinabi nilang, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan.” Dahil sa pagbalik tanaw mo nakukuha ang lakas upang muling magpatuloy. At sa pagsulyap mo sa mga karanasan at lugar na umaruga sa iyo’y mas nagiging ganap ang tagumpay pagdating sa itaas.
Nais ko man maging patas na tulad ng mundong bilog, oblate spheroid naman ang tunay na hugis nito. Nakahilig pa sa axis kaya kahit ngayon lang, kikiling ako dahil tunay na magaling ang bayan kong Camiling!
Ang blog entry na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 4
2 comments:
Astig! Taga Camiling din ako!
Salamat sa pagbisita. :)
Post a Comment