Thursday, September 13, 2012

Ang Tunay na Lalaki, Totoo sa Sarili

Picture from  http://www.gmanetwork.com
Mula sa take-a-bow moments ko sa pagbabasa ng  librong “The Best of This is a Crazy Planets” na halaw sa blogsite ni Lourd Ernest H. De Veyra ay napadpad ako sa tunaynalalake.blogspot.com na naging inspirasyon niya para sa isa niyang entry na pinamagatang “Ang Tunay na Lalaki Walang Abs.” Sa blogsite na ito ay nakatala ang “Manifesto ng Tunay na Lalake” na isang listahan ng mga katangiang nagsasabi kung alin ang huwad sa hindi.

Ewan ko kung produkto ito ng malikot kong utak o dahil lang sa wala na akong maisip isulat at sinusubukan kong abutin ang calibre ng mga manunulat na tinitingala ko ang nag-udyok upang ang entry na ito’y kasalukuyan mong  binabasa mo ngayon.

Marami na ang nagtangkang ikulong sa kahon ang depinisyon ng kasarian ng tao. Tulad ng mga lalake, may mga katangian at mga gawaing itinuturing na unmanly. Isang klasikong halimbawa a ng pagsusuot ng pink na dati, sa sobrang laki ng isyu, ay pilit na ginawaan ng paraan ang mga daredevils upang matanggap ang pagsusuot ng kulay na ito sa lahi ni Adan. Kaya rin naman and phrase na “Real Men Wear Pink” was coined.

Sa mga naku-curious, heto at ibabahagi ko ang manifesto na iyon na sumikat na at nakita ko pang naka-imprenta sa t-shirt ng superior ko.

|>> Ang tunay na lalake ay ‘di natutulog. Una pa lang natawa na ako dito. So ang mga lalake pala ay mga call center agents o yung mga Adonis na gabi-gabi naka-abang sa Circle? Requirement pala na insomniac ka para maging manly ka sa tingin ng tao. Tsaka naisip ko mahal pala ang may kasamang tunay na lalake sa pagsakay sa eroplano, palagi kasi kayong ma-e-excess baggage sa laki ng mga eyebags nila. So girls, practicality... maghanap ng di tunay na lalake. Char!

|>> Ang tunay na lalake ay di nagte-text-back, maliban na lang kung papasahan ng load. Gayunpaman, laging malabo ang kanyang mga sagot. Hindi rin. Ang tunay na lalake ay ‘yung pinapahalagahan ang kapakanan ng girlfriend o asawa niya, na makitext man sa ‘di kakilala o maghanap ng loading station sa kalayuan, ay gagawin para lang ma-assure ang lagay nila. Hindi lang siya ang tinatawagan, siya man ay tumatawag.

|>> Ang tunay na lalake ay laging may extra rice. Lalake pala ‘yung sexy at magandang babae na nakakasabay ko minsan sa pantry na umo-order ng double extra-rice na may patis at sili on the side. Gandang lalake naman n’on.

|>>Ang tunay na lalake ay hindi vegetarian. Hindi ako ‘sang ayon dito. Sa tingin ko ay isang tunay na pagpapakalalake ang i-deprive ang sarili at disiplinahin ito upang makamit ang isang goal. Hindi rin lang naman pagpapakavain ang connotation ng pagiging vegetarian but is also for one’s own health. Cliché man pero , “Health is still wealth!”

|>> Ang tunay na lalake ay walang abs. Isa pa ito sa pathetic na gawing evidence ng pagiging tunay na lalaki. Kahit pa sabihing pre-plotted ang konseptong naikalat ng media sa mga lalaking may abs ay tiyak na mas kaaya-aya namang tingnan ang mga lalaking meron nito. Isa pa, kung ganun nga ang basehan ng pagiging tunay na lalake, gugustuhin mo ba ang mga ‘to na walang hiya sa sarili na kadalasang nakabalandra ang mga hubad at naglalakihang tiyan sa kalye? Tsaka ang karamihan sa mga sculptur ng gods ng mga Griyego ay may abs naman.


|>> Ang tunay na lalake ay hindi sumasayaw. Ang tunay na lalake sa tingin ko ay ‘yung magalang at maginoong aayain ang babaeng mahal niya na umindak sa isang romantikong tugtugin. Isa pa, feeling ko ang tunay na lalake ay kayang aging cheesy para sa mahal niya. Isa iyong pagpapakita ng katapangan.

|>> Ang tunay na lalake ay umaamin ng pagkakamali sa kapwa tunay na lalake. Dito lang ako natuwa. Ang pag-amin lalao na sa mga awkward na sitwasyon ay isang brave move.

|>>Ang tunay na lalake ay laging may tae sa brief. Grabe ‘to. Hindi naman siguro dugyot ang mga lalake ‘no liban nalang kung talagang ‘di talaga nila alam ang salitang hygiene. Sige nga, sino ang may tae sa brief ngayon?

|>> Ang tunay na lalake ay di naghuhugas ng pinagkainan o nagliligpit ng kanyang mga gamit dahil may babaeng gagawa noon para sa kanya. Mas lalong nagiging tunay ang pagkalalake kung di niya kilala o di niya maalala ang pangalan ng babae. Tingin ko dagdag pogi points kapag marunong kang magtrabaho sa loob ng bahay. Ang tunay na lalake ay marunong magpakumbaba at kayang isantabi ang bayag niya upang makatulong sa iba.

|>> Ang tunay na lalake ay di nagsisimba. Ito ang pinaka-foul sa lahat at ‘di ko matatanggap. Isa lang, wala namang salitang “lalake” kung walang Diyos  ano pa kaya ang ang “tunay na lalake.” Isang karuwagan ang ang i-deny na may mas malakas na puwersang lumulukob sa sanlibutan.


At sa akin isa lang ang pagiging tunay na lalake at ‘yon ay ang pagiging totoo sa sarili. ‘Yung hindi pipigilan ang mga nararamdaman dahil pilit na ikinukulong ang sarili sa imahe na gawa-gawa lang ng iba. ‘Yung kayang aminin na natutuwa siya sa mga palabas ni Barbie o Hello Kitty. ‘Yung kayang i-appreciate ang art o fashion. ‘Yung kayang mag-sorry at mag-I LOVE YOU sa mga taong mahal niya sa lahat ng panahon. Higit sa lahat ang pagkakaroon niya ng takot sa mga kaya niyang gawin at sa Diyos. Sa bandang huli, hindi isyu ang kasarian at sa halip ay ang kabuuan ng ating pagkatao.

2 comments:

Anonymous said...

totoo ba'ng an tunay na lalaki ay di nag-iinstagram? paano na ang mga mahilig sa photography at cellphone photography?

POINTBLANK at ang Awtor said...

Hmm, p'wede rin naman 'wag lang sarili ang palaging laman. Narcissistic? O baka malansa lang sakali. Char!