Monday, August 13, 2012

SIRKULO: Paggunaw at Pagbangon

Matagal-tagal na rin bago ko nabisita at na-update ‘tong blog ko. “Hiatus na naman?” sigaw ng alter ego ko. Anyare? 

Maraming mga factors ang contributory sa ‘di ko pamamansin sa blogsite na ito. Transitioning ang schedule ko sa trabaho kaya naman palagi akong  tulog. Kadalasan tinatamad lang talaga mag-load. Asa lang kasi sa prepaid broadband service and internet connection sa dorm. Isa pa, masyadong maulan nitong  nakaraang linggo. Ayaw ko pa man din sa mamasa-masa.

Nanatili lang kami madalas sa kwarto habang pinanonood  kung paanong binilasa ng ulan at ng baha ang Pilipinas. May mga nasawi. Nasirang mga ari-arian. Isang replay mula sa pelikulang pinagbidahan noon ng Bagyong Ondoy.  Marami ang lubos na nanghinayang at nagdalamhati. Umuulit lang ang mga tagpo. Isang problema ang kailangang tumapik sa ating mga natutulog na diwa upang mag-isip – mag-isip ng tama at ng para sa kapwa.

Buhay na naman ang bayanihan. Ads to collect money and goods to provide for those who were affected by the flood swarmed the idiot box. Maraming nag-abot ng tulong. Marami na naman supot ng relief goods; supot ng panandaliang kaginhawaan na mananatili ng libong taon upang muling bumara sa mga kanal at estero. Nagsulputang parang mga kabute ang mga evacuation center; halo-halo at parang mga sardinas ang tao. 

Sa kabilang banda, nakabibilib na may mga taong itinataya ang sariling kaligtasan upang rumesponde sa mga taong mas nangangailangan ng tulong. Nakakainis lang na ang mga taong nangangailangan ng tulong ay ‘yun ding mga taong tumangging lumikas noong mga panahong inabisuhn sila. Kesyo baka manakawan daw sila. Sa akin naman, mas importanteng iligtas ang buhay kaysa ang mga gamit na hindi mo naman na mapakikinabang kapag nabingwit na ang bangkay mo sa baha.

Pabalik-balik lang ang mga ganitong eksena. Hindi naman dating ganito ang pagbaha. Isang tanong ay hindi ang kung ano ang magagwa natin sa mga ganitong sakuna kundi kung ANO ANG DAPAT NATING GINAWA BAGO PA ANG SAKUNA?

Parang isang sirkulo, sa tuwing may mga baha at pagbagyo ay umuulit lang ang pag-evacuate, pagrescue at pagrehabilitate. Mga band-aid solution. Subalit ang mga bagay na pilit tinatapalan ay ang mga resulta ng mga maling desisyon ng ating nakaraan. 

Masyado nang maraming tao sa Maynila. Ang malaking populasyon ay nangangailangan ng espasyo para sa mga bahay. Idagdag mo pa na dahil isa itong sentro ng komersiyo, maraming mga gusaling industrial ang itinayo at itinatayo pa taon-taon. Pilit pinagsisiksikan ang lahat ng ito sa isang maliit na lugar. Wala ring urban planning. Isama pa ang pag-abuso natin at pagwawalang bahala. Hndi na kataka-taka ang mga nangyayari. Ang lobo kapag sobra ang hangin pumuputok.

May nakaisip na magrelocate sa mga karatig bayan. Kailangan lang ng transportasyon na kukonekta sa Maynila at sa mga ito. Ang siste, walang pondo. Kaya panigurado akong magtitiyaga si Juan sa panonood ng peikula ng mga bagyo, hindi man pinirata, gasgas sa kauulit.

At sa muling pagguhit ng mga patak ng ulan sa kalangitan ay ang siya ring pagdami ng mga kamay na muling nakalahad, naghihitay sa mga supot ng relief goods habang ang mga bahay at ari-aria'y nilulunod ng baha. Isang sirkulo. Replay-replay lang.

No comments: