Monday, September 16, 2013

Kanlungang De-Gulong

Sa ibabaw nitong matigas na sahig na bahagya lamang sapat 
ang sa  manhid at nanlilimahid mong likod pilit na ilalapat,
nang mapawi ang pagod sa maghapong pagbabata’t pagbabanat
at masaya kang pipirmi sa kamang may gulong na apat.
Kulang man sa yakap ng malalambot at malasutlang mga kumot
makapagtitiis ka naman sa kaunting init na pahintulot
nitong pinatagpi-tagping mga papel at gusot-gusot na supot.
Masayang ikaw ay pipikit at sa mga larawang walang bahid ng dumot
ika'y panay na babaling at pipihit -- pilit hahawiin ang lungkot.
Kanugnong ng seldang inangkin mong mistulang palasyo
ang tambak ng mga hiyas, diyamante't walang halagang ginto.
Oo nga't yaman ang mga ito sa pakiwari mo
datapwat sa ibang mga nagdaraang dibuho,
turing ay latak na lamang  nitong higante't mapanuring mundo.
Mababakas ko sa mga guhit sa iyong mukha't kuluntoy nang balat
ang sakit na maipit sa gitna ng mga diwang kulot at 'di maingat.
Muli sa gabi'y uuwi ka sa kwadrado mong palaruan,
itong kariton mong busog sa mga diyaryo, bote at latang nagkakalansingan.
Ngingiti ka't uusal ng pasasalamat, kakanlungin ng moog
habang panay ang paghaplos mo sa makakakapal mong pilat.
Hindi man ito sinlawak ng mga teritoryong hati-hati
na pinaghaharian ng masisipag nating mapagpanggap na mga kalahi,
alam mong dito ika'y ligtas sa mga banyaga't bangayang nakapipipi’t nakabibingi.
Kapiling man ng mga nagtitibayang kalasag, ang mga tigre, sawa at buwaya’y 
hindi kailanman sa pighati’y makatatanggi’t makasasalag.
Silang sa ‘di pagkakuntento'y patuloy na maghahanap at ‘di makahahanap
sa kawalang dulot ng natagpuan nilang ultimong kawalan;

ng mangangata't panlaman tiyan,
ng patukang sa bakanteng bungo'y ipapalaman,
ng pabango't bulak na laan sa mga bulok na pusong tatapalan,
ng palamuting handog sana sa mga butas na kaluluwang marapat na sulsihan.

Ito’y kakatwa at ikaw ang siyang nakatagpo
ng mga salita at katagang inilaan sa sarili mong iniukit na tuldok;
mga talatang hindi maipagkakaloob ng mga palasyo, mansyon at gusaling
yari sa walang katapusang lubid ng puwang at patlang.
Sa kawalan ng yaman, impluwensya't mapang-aping kapangyarihan,
Sa karukhaan at makabuluhang kababawan mo naman natagpuan
ang ligaya’t langit na hatid ng tahanang sa iyo lagi'y nakaabang.
Itong apat na sulok ng kariton mong sa iyo’y kumupkop,
nagpatibay sa mga panahong ika’y marupok
at sa mga sandaling ang mga damdaming marubdob ay mahigpit na nakapulupot,
ang siyang sa huli’y kasangga’t karamay sa iyong paggunita’t pagkalimot.
Hanggang sa ang likod mo’y muling lumapat
at sa kwadradong kahon katawan mo sa wakas ay gumitna.
Kukulungin ka niya’t ipagheheleng walang palya't pagkasawa,
nang ang ulan ay tumila at ika’y lumuha
ng huling luha mong hindi mapakla.


Ang akdang ito ay ang aking lahok bilang pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards.









4 comments:

andie said...

Masterpiece in itself... go on writing....

limarx214 said...

ang ganda nito ser!

POINTBLANK at ang Awtor said...

Salamat limarx214! Yung saýo panalo yun... ang galing mo, idol!

Purple Ink said...

Nice! :)