Nayayamot. Nababagot. Suyang-suya na si Juan.
Hindi lumalagpas ang isang araw na hindi ako nagbababd sa harapan ng telebisyon. Hindi ko lubos maisip na pagtitiyagaan kong panoorin ang mga grupo ng indibidwal na kumakain, nangungulangot, umiihi at tumatae, madalas sa harapan ng camera, na kung tutuusin ay ginagawa ko rin naman araw-araw. Ano ba ang pinagkaiba ng mga ganitong palabas sa pag-video ng sarili ko? Siyempre ang drama.
Kung ganito ang laman ng telebisyon,
bakit di mo na lang panooring natutulog ang nanay mo? |
Mahilig tayong mga Pilipino sa drama. Ito marahil ang dahilan kung bakit maya’t mayang nagsusluputan ang mga palabas tulad ng Big Brother na karaniwang ipina-pattern mula sa mga kanluraning bansa. Luwa ang mga matang masugid nating binabantayan ang mga ito umaga man o gabi. Ngunit bakit nga ba patuloy ang pagtangkilik ng karamihan sa ganitong pattern ng mga palabas?
Karaniwan na sa ulo ng mga balita ang mga pagpaslang, digmaan, nakawan at aksidente na pinalalala pa ng kabuktutan ng sistema sa bansa na dahilan kung bakit ang mga unang nabangit ay naisasantabi na lamang. Sana’y na tayo ng inaalmusal hanggang sa ating hapunan ang mga problemang kinahahrap ng ating bansa.
Nayayamot, nababagot at suyang-suya na nga si Juan sa hindi niya pag-asenso sa sarili niyang bansa. Nakakasawa nga naman na panoorin ang ating mga mambabatas sa kanilang pagtatalo upang paalisin ang isang opisyal, na sumasalamin din naman sa karamihan sa kanila, sa kanyang puwesto. Kaya naman karamihan sa ating mga kababayan, matapos ang kunsumisyon na dulot ng mga masasamang balita, ay naghahanap na lamang ng pagbabalingan ng atensiyon.
Ang panonood ng mga palabas tulad ng PBB at Survivor ang ilan sa mga naiisip na paraan upang maibsan ang stress ng ilan sa atin. Maliban kasi sa nalilibang tayo sa mga drama na nangyayari sa mga ito ay nagkakaroon din ito ng sikolohikal na epekto. Nakakahanap kasi ang ilan ng isang mundo kung saan sa halip na intindihin ng kanilang mga problema sa buhay ay isyu ng ibang artipisyal na tao ang sentro.
Nakatutuwang isipin na reality show ang tawag sa mga ito. Sa akin ay di angkop ang tawag na yun dahil pinipilit lamang palabasin ng mga ito ang pagpapakatotoo ng mga tao subalit ano’t ano pa man artipisyal pa rin ang nagiging resulta. Sa PBB kunwari, sabihin mang nagpapakatotoo ang isang tao dahil nasasabi at naipapakita niya ang nararamdaman magiging peke pa rin ang lahat ng ito dahil nasa harap siya ng camera at nasa isang artipisyal na kapaligiran. Hindi mo naman masasabing nagpapakatotoo ang isang tao sa ganoong paraan lamang. Maaring magawa ng isang tao ang mga bagay-bagay depende sa sitwasyon at kapaligiran. At dahil nga isang controlled environment ang Big Brother house, maaring naiimpluwensyahan lamang ang mga nakatira rito ng ilang mga bagay. Pero ano pa man, natutuwa pa rin si Juan.
Sa dulo kasi ng araw-araw na pagbabantay sa mga taong ito ay ang naghihintay na tagumpay. Ang pag-asang yun din marahil ang tila bato-balaning humihila sa mga manonood ng programa.
Natutuwa si Juan dahil umaasa pa rin ito. Dahil ano mang bangungot nasasadlak ang bansa, naglipana man ang mga hayok sa kapangyarihan, naghihintay lang si Juan sa muling paggising ng bansa - ng bansang nagsisiesta sa gitna ng kaguluhan.
2 comments:
"naghihintay lang si Juan sa muling paggising ng bansa." At gaya ng mga nabannggit na "not-so-real reality shows" may katapusan ang lahat, maging ang paghihintay. Ngunit kung anuman ang kahihinatnan ng pagtatapos ay muli't muling aabangan pa rin ni Juan. -Basyo
thank you kuya... tama ka jan! heheh daming typo asa lang kasi sa broadband
Post a Comment