Thursday, July 12, 2012

Constipation, Sabik na Makaraos at Dating Subok MagFlash

Mahirap ang pakiramdam na constipated ka. Parang may something na nakabara at may bagay na hindi makahinga. Mabigat ang mga giniling na pagkaing naimbak na sa tiyan mo’y dala-dala. Halos kaparehas din yan ng mga sensasyon na nadarama ko sa tuwing constipated ang utak. Parang na-stroke ang mga brain cells at ‘di makagalaw ng maayos. May mumunting kilos, may mga ideya pero hindi sapat upang bumuo ng isang matinong story line. Solusyon? E di ang magFLASH!

Ito ‘yung uri ng sulatin na tipid sa mga salita. Mga kalahating page lang sa tipikal na word processor ang ilalaman. Pero para sabihing tamad ang sumusulat nito ay isang malaking pagkakamali. Mas mahirap po kaya ang magsulat na mayroon kang limit. Hindi ko sinasabing may limitasyon when it comes to creative direction pero sa bilang ng salita. Kaya nga flash fiction o dagli ang tawag dito.

Inilaan ang ganitong style ng pagsusulat para sa mga Homo sapiens na isinuko na ang halos lahat ng oras sa pagkita at paggasta ng kinita upang sa mga nakaw na mga minute ng kanilang mga buhay ay makapagbasa at may maikarga naman sila sa utak na may laman at ‘di pawing sabaw lang. Malaki ang demand nito sa brain cells dahil kailangang mailahad ang isang buong istorya sa minimal na teksto subalit sa dulo nito’y magkakaroon pa rin ng pagkakataong mapaisip ang mambabasa sa mensahe ng kanyang binasa.

Kaya naman hats-off ako kay pareng Eros Atalia dahil sa kanyang librong “Wag Lang Di Makaraos 100 Dagli (Mga Kwentong Pasaway, Paaway at Pamatay).” Biruin mo, isandaang flash fiction ang pilit hinabi ng kanyang karne sa bungo. Ilang brain cells niya kaya ang nagmakaawa? Malamang sa buhos ng maiikli subalit malalalamang dagli ay hindi lang nagamot ang  constipation kundi baka nagtatae na ang utak niya habang sinusulat ito. Saludo rin ako sa hindi niya pagkakakulong sa mga convention ng pagsusulat na minsan ay nagiging malata na sa panlasa ng mga readers. Isa pa, marami sa mga dagli niya ang nagfeature ng mga nilalang gaya ng tiktik, nuno sa punso, tikbalang, kapre, diwata at manananggal na sadyang parte ng Philippine folklore. Nakaka-proud. Papabasa ko ‘to sa anak ni Janice soon o kay Noynoy Tisoy sa kanto mamaya.


Dati’y nagsusulat na rin ako ng dagli. Madalas na spontaneous lang. Kung tutuusin, sa literal na pagtataya ay iisipin mong bitin ang mga kwento, Kung kelan kasi gumagana na ang brain cells mo sa binabasa ay siya namang daglian nitong pagkatapos. Subalit kapag between the lines ang pagbabasa, masasabing sa maikling akda ay ang libong ideyang maaring tumakbo sa isip ng manunulat bago nauwi sa animo’y tipid na kathang isinabuhay sa iyong imahinasyon.

Ang nasa ibaba ay isa sa aking mga akda na nalimbag sa The Golden Harvest taong 2009.

ENTROPY
Isang araw na naman ang bubunuin. Mahirap ang trabaho subalit wala namang mapagpipilian. Pasok muli sa kwartong ‘yon. Tititigan uli ni Aling Pesing ang tatrabahuhin niya sa buong umaga. Isang tulirong araw para sa kanya at sa iba pang manggagawa sa kani-kanilang bahay. Napapakamot na lamang ng ulo. Nanlilimahid sa sobrang alinsangan. Tagaktak ang pawis sa hirap na nais malampasan.
Isa-isang pupulutin. Maliit. Malaki. Bilog. Kuwadrado. Ang sama-sama ay paghihiwalayin niya ayon sa sukat, hugis at kategorya. Tapon sa kahon, sa shelf, at kung saan-saan pa. Nang makaipon na ng kumpol ay muling ihihiwalay ang may kulay sa puti. Itutup. Isasalansan.
Lahat ng walang silbi at ‘di na mapakikinabangan. Pati na rin ang malatak at may pambihirang amoy. Lahat ‘yon ay tinipon sa isang lata. Sa wakas, tapos an ang kalahating araw.
Ang ingay na ‘di niya pinanasin ay sumorpresa sa kanya. Kablaag! Bumukas ang pinto. Tumilapon ang Ale pasalampak sa sahig. Dumilim ang paninging nanlalabo. Kablaag! Sumara ang pinto ng kwarto habang umaalingawngaw pa ang halakhak ng alaga niyang bata.
Isang iglap lang ang kailangan. Maliit. Malaki. Bilog. Kuwadrado. Matulis. Mapurol. Lahat ay muling nagkahalo-halo. Ang nasalansan at natupi’y nagmistulang kinalamay. Ang malatak at may pambihirang amoy ay nagbabadya ng paghalukay ng sikmura.
Hindi na pinunasan ni ALing Pesing ang pawis. Wala nang buntong-hininga pa. Uulit siyang muli mula sa umpisa. Masahol pa, sa tingin niya.

No comments: