You may have felt it, somehow an familiar feeling but chose to opt for the other. Maraming pagkakataong kinukulang tayo nito. Sa tuwing nagpapatintero ang mga bubwit sa dibdib. Sa tuwing tenga’y makasasagap ng balita. Sa tuwing may mungkahing solusyon. Hindi maaaring lumagay sa gitna. Sa huli, pipiliin ang mapusyaw, mapakla’t salat sa pag-asa.
Ito ka, humahangos at dilat ang mga mata. Kabababa mula sa dyipni. Pinagpapwisan ang magkabilang kilikili. Di maayos ang pag-iisip. Hindi lingid sa lahat ang sinapit na madukutan sa gabing ito. Mahuhuli ka na sa trabaho. Ano ang gagawin mo?
Karamihan ay tiyak na magmumukmok at maglulunoy sa pag-iisip sa mga pangyayari. Sa tuwing may mangyayari’y sa negatibong implikasyon o naidulot ng mga bagay-bagay tayo kadalasan ay kumikiling. Iisipin tiyak ang pamasahe pauwi, na nawala ang pinaglaanan ng pawis o labis pa’y kung sino ang dumukot at ang pagsumpa dito. Hindi namamalayang ang mga oras na inilalagi sa pag-iisip ng mga bagay na hindi na maibabalik ay siya naman oras na nababwas as sanay mga inutong mababayaran pa sa pagpasok.
Madalas ko ring napapansin sa tuwing nasa daan, ang mga tsuper na walang habas sa pagbusina sa tuwing tumitigil ang kanilang takbo, kesehodang dahil sa stop light or mabigat lang talaga ang trapiko. Iiling-iling na lamang ako. Aksaya sa baterya. Sila rin ang mauubusan ng enerhiya. Dagdag pa sa noise pollution. Ang kikitid ng utak. Kahit naman gaano kalaking value ng decibels ang ilalaman ng busina nila ay di naman sila makakausad. Hindi naman mahahawi ang mga sasakyan sa harapan para lamang padaaanin sila ano. Sabaw lang?
Kawalan ng positibong disposisyon, ito ang karaniwang problem sa mga namomroblemang tao. Imbes na isipin ang solusyon ay uunahin pa ang pagtuturo at paghahanap ng pangalang maisisigaw. Madalas na napapako tayo sa kasalukuyang kalagayan at kung minsa’y binubulok natin ang ating mga sarili sa lungkot, galit, at depresyon.
Nito lang nakaraan sa SONA ng Pangulo ay malamang na mas marami ang nagtaas ng kilay sa halip na pumalakpak. Maaaring sabihin na listahan lamang ng hangin ng pamahalaan ang mahabang talumpating ‘yon. Isang klasikong halimbawa ang mga taong sinisisi ang gobyerno sa kanilang paghihirap subalit wala namang gingawa upang bigyang lunas ang sariling mga karamdaman. Sabi nga, datapwat hindi mo kasalanang ipinanganak kang mahirap ay kasalanan mo na kung mamamatay kang isa paring dukha.
Sa kanilang paningin, hindi naman nila nararamdaman ang mga nakatala sa ulat ng Pangulo. Ang iba nama’y sasabat ng, “Yun lang?” Kung tutuusi’y dapat na ipinagpapasalamat natin na bagamat sadlak na ang Pilipinas sa kahirapan, bilang isang third world country, ay umuusad din naman.
Ako ma’y aminadong sa mga pagkakataong ako’y nahaharap sa mga mapanuksong pagsubok ay nababaling ang aking atensiyon sa mga negatibong aspeto ng bawat sitwasyon. Minsan hinananap ang mali. Pinapansin ang kulang. Mas niyayakap ang pagkabigo. Isa kasi ang pagiging insatiable sa natural na katangian nating mga tao. Pilit nating hinahanap ang perpeko sa mundong hindi perpekto.
Ano ba naman ang isipin ang positibong mga bagay. Ang solusyon. Kung ano ang meron. Ang nagawang tama sa halip na ipagduldulan ang mali. Ang pagbangon sa halip na pagyukod. Tiyak gagaan ang lahat at ang daigdig mo’y magiging POSITIBOngga.
Mangyaring hayaang iwan ko mula sa pelikulang “Meet the Robinsons” ang mga salitang ito:
“Around here, however, we don’t look backwards for very long.
We keep moving forward, opening up new doors and doing new things,
because we’re curious... and curiosity keeps leading us down new things.”
Paulit-ulit na wika ni Cornelius Robinson: ALWAYS KEEP MOVING FORWARD!
No comments:
Post a Comment