Sunday, September 30, 2012

Only in Anime’s and Cartoons


If you don't know anyone in this picture,
you missed half of your childhood.
Not everyone gets to be an adult when they grow up.  

Sabi nga nila, “There is always a child in us.”

Isa ito sa mga cliché na isinasabuhay ko at alam kong totoo. Iisipin mo kayang isang carfree little kid sina Manny Pacquiao, Mike Enriquez, Tulfo Brothers o si Miriam Defensor Santiago? Malamang sa hilatsa pa lamang ng kanilang mga pigura ay malamang na iiling ka na o marahil ay kukunot ang ‘yng noo. Pero lahat tayo ay dumaan sa pagkabata. Kung sila ang tinitingala ng iba sa ngayon (o kinaiinisan kaya? oops!) pupusta akong noong mga uhuging bata pa sila’y may mga tiningala rin silang mga hero a heroines sa mga morning kiddie shows nila noon.

Ewan ko lang sa kanila, pero anime at cartoons na ang kinagisnan ko. Sino ba ang di makakakilala kina Son Goku, Ash Ketchum, at Pikachu, Naruto, Recca, Gon, Ichigo, Winx Fairies (oo nanonood ako niyan) Natsu, Luffy, Doraemon at kung sino-sino pa? Sigurado ring may kani-kaniyang listahan ang mga kabataan ng kanilang top anime/cartoon list.

Nakatutuwa ang mga kapangyarihan at mga kakaibang adventure na mistulang walang katapusan sa buong umagang kadalasan kong inuubos sa pagka-cartoon marathon. Hanggang sa ngayon, isa itong stress buster at hindi matatawaran ang saying naidudulot nito sa akin.

Pero dahil hindi narin naman talaga ako bata (isip bata oo!) marami lang akong napappansin o nagpapansin lang ako? Ito ‘yung mga bagay na sa Anime’ at cartoons lang talaga nangyayari. Dahil kahit seryoso at tunay ang mga conflicts at inner demons ng mga protagonists, may mga bagay na hindi mukhang seryoso.

Hindi nagpapalit ng damit ang mga characters. Mga kids huwag gagayahin ang mga ‘to. Kahit pa sobrang pogi ni Kakashi o ganda ni Nami at Robin. Alam kaya nila ang salitang hygiene. Haay, araw-araw ‘yata e parehong damit ang suot nila o kung hindi man sa susunod na season pa maiisipang magbihis, ‘sing dalas lang ng pagpapalit ng kalaban. Kataka-taka lang na matapos marumihan at magutay-gutay e lilinis agad parang brand new  ang kanilang mga suot sa susunod na appearance.

Isa pa sobrang tibay ng mga damit nila. Sa Dragon Ball Z halimbawa, kahit malunod na sa energy blast e nagkakasugat-sugat lang si Goku o nagugutay konti ang damit pero di naman siya tuluyang nahuhubaran. Minsan nga hinati ni Android 18 ‘yung isang kotse pero hindi man lang napunit yung manggas ng sweatshirt na ninakaw niya sa isang store. Sa ibang anime pa, kahit apoy di uubra sa mga damit nila. Iniisip ko kung fire proof material gawa ang mga iyon o water proof din kaya? 

It is also where you can slam a person to a wall without effort.  Sa mga normal (but not so normal) type ng anime ko ‘to napapansin. Parte ng comic relief. Nakatutuwa lang na ‘yung mga cute na babaeng may mga pipis na katawan ay nakakayang buhatin ‘yung mga lalaki para ibalibag sa pader o sa malalaking bato.

Sumusulpot din mula sa kung saan ang mga gamit ng bida. Sa Pokemon hindi ko maisip kung paanong nagkakasya ang food containers, lutuan at lamesang ginagamit nina Ash sa tuwing may mga eksenang kumakain sila  sa maliliit nilang backpacks. ‘Yun lang naman ang dala nila. Iisa kaya ang gumawa ng mga ‘yon at ng bulsa ni Doraemon?

Ito ang mga ultimate lang na nakakainis at kinaiinisan ko:

Bobo ang mga bida, mas bobo ang mga kalaban. Maliban sa mga radio programs, sa anime ko lang isinisigaw ng mga bida na aatake sila sa mga kalaban at may pangalan dapat ang bawat isa sa mga ito. Gomu gomu no, Pistol! Kame Hame Wave! Ray Gun! Unang Dragon, Nadare Tad En! Jan ken Gu! Pikachu, bolt tackle! Natatandaan mo pa ba ang mga ito? Napakatagal ng mga  ito mag-activate di ba? Sisipatin pa ang stance, huhugot ng hininga at bibigkasin ang mga magic words.

‘Yung iba naman may mga transformations pa. Tulad ng Winx, ng mga Digimon o ng pag-activate ni Sakura sa kanyang wand. Ewan ko ba at di pa sila sinusugod ng kalaban e sapat naman na ang ilang segundo para sa isang sneak attack.

Pero anu’t ano pa man, isa ito sa mga bagay sa aking kabataan na babalik-balikan ko. Kathang isip man kung ituring dito ko natutunan ang first lessons in life - to stand up for your friends and love ones. At sa huli, palaging tinatalo ng liwanag ang kadiliman. J

Monday, September 24, 2012

Philippines on Learning: ABCs or 123s

It has been long since I sat in front of this 11-inch led screen and write something that is of importance. Painful as it is, my fingers seem to feel the utmost duty to write about this bludgeoning quandary. Indiscriminately, it rouse from nowhere. Although this could be a slap in the face. I have written about it before and nothing can stop me from weaving thoughts that irk from my upset psyche again.


Like particles settling from a forgotten suspension solution, the same happens to the tirade of trying to escape from the vortex of mishaps pinning the Philippines’ quality of education at a standstill. Have we yet admitted defeat or lost or libido in such a snail’s pace, it’s for every one  to tell. Comparable to a snake bite, the ostensibly numbing dilemma leaves the country complacent or rather oblivious of the exponentially growing craters in our dreams of a “tuwid na daan” which in turn, nullifies chances for economic growth or survival even.

Should anyone put it in the light of proofs, such as counting professionals sprinkled like confectioners’ sugar on the face of the globe,  the gravity of the matter shifts the focus to the real situation that Filipinos residing in the Philippines come to face on a daily basis.

According to pcw.com, the country boasts of a literacy rate of 95.6%  in the 2008 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS). Some would, at an instant, throw an applause, although this does not correlate to quality education. It may be true to well-off families but to be able to read and write does not assure a better life.

Philippines has ranked 115th out if the 142 countries pooled in the Global Competitiveness 2011-2012 for Science and Math education (http://www.tempo.com.ph). Seemingly, this two subjects are foundations to advance in the dream of becoming any professional.


Rise now from your deep slumber, 
She's waiting for your hands
to guide her little fingers
as you trace the future her.

On a qualitative note, one could easily describe the ailing situation of education in the country. Documentaries that present a magnified perspectives of the condition is becoming  commonplace. It is but an evolving lackluster show.

The dearth of resources, tangible or intangible, is a an imperative factor that taunts hope to cave in. Thus, we blame the circumstance. Brain drain, for one, has largely imprinted the picture of  Philippine education a duller one. I, as such, have abandoned the course of becoming a full-time educator. I have practical reasons and may as well reap raised brows and side comments but that is not the point.  Teachers’ lack of incentives, once-in-a-blue-moon opportunities for training and retooling, and the enough-to-survive compensation is but a turn off to great mentors to be. To the extent of choosing to become a domestic helper abroad or an agent for a BPO in the country could be a shame. Reality bites and it is painful.

As someone who took up an education course, it is funny how we were trained to use overhead projectors, PowerPoint presentations, video clips and other advanced multi-media instructional materials when some of the schools haven’t even got a chalkboard.

Even concretizing the point is if you turn your attention to statistics. The 1:1 student to book ratio is far from attainable. There is not enough schools to accommodate the growing population of students let alone the hunt for qualified and able teachers.

Most, if not everyone, will point fingers to the small portion of the national budget allotted to education. We are tailing in the list for budget allocation for the education sector among Asian countries. This is a fact that has long been established. The economy itself is a pain. It is a rippling effect as poverty hinders an already poor family from changing their fate when the kid they  had hopes to get a better job in the future they can no longer send to school.

The target is very clear. It is but to find the right grip and sturdy arrows to hit it. After all, it is us who we call Juan dela Cruz and he needs not to let loose and let the shots err.

***author is not claiming photo credit

Sunday, September 16, 2012

Ako si Dexter Quimson, Laking Camiling

Pakiramdam ko nitong mga nakaraang araw ay napakalayo ko sa mundo samantalang nakatungtong pa rin naman ako sa ibabaw nito. Nakahahapo rin pala ang patuloy na paghahabol sa mga bagay na sa tuwing papalapit ka ng papalapit ay siya rin namang mistulang paglayo ng  distansya ng mga ito. Ang bilis ng takbo ng oras dito sa Maynila. Hindi mo pa naipipikit ang mga mata mo’y pipilitin mo na namang imulat ang mga ito upang muling magbalik sa trabaho. Kung hindi, pupulutin kang nakanganga sa lansangan  habang umaamot ng ilalaman sa tiyan.

Nakasusuya. Nakasasawa. Nakatatabang.

Ganyan ang tingin ko sa paulit-ulit kong  pagsalubong sa napakagulong siyudad kung saan hanap nang hanap ang mga tao at ang paglalakbay ay dinadaan sa bilis ng ng paghabol sa oras. Walang kapaguran o mas mainam sabihing bawal ang mapagod. Literal at metaporikal, nangangapal na ang kalyo ko sa talampakan sa haba na ng nilakbay ko. At ‘yun ay sa dalawampu’t dalawang taon pa lamang na iginugol ko sa mundo. Sa ganitong mga panahon ko naiisip na umuwi sa bayan namin. Nangungulila ako sa mga lugar at bagay na nakasanayan at kinalakhan ko (haay!).

Naniniwala akong maaari mong mas makilala ang katauhan ng tao sa lugar na pinagmulan niya. Bawat aspetong bumubuo rito ay tiyak, malaki man o kakarampot, ay may nai-ambag sa kung ano siya sa kasalukuyan. Bilang blog ko ng binabasa mo ngayon, bibigyan kita ng pagkakataong malaman ang isang bahagi ng aking pagkatao.

Camiling, Magaling!
‘Yan ang islogan ng bayan kung saan ako ipininanganak at nagka-isip. Ang Camiling ay isa sa mga pangunahing munisipalidad sa kanlurang bahagi ng lalawigan ng Tarlac. Kung isa kang biyahero at patungong norte marahil pa-Pangasinan, tiyak na daraan at daraan ka sa bayan namin. Naaalala ko pa na sa tuwing umuuwi ako sa bayan ay nakahilera sa paradahan ng mga bus at dyip ang mga naglalako ng karaniwang pagkain sa daan gaya ng balut, mani, fish balls, bibingka at tupig panghawi ng biyahilo. Bumababa ka pa lang ay nalalasap mo na ang ispiritu ng pagiging isang Camileño.

SABIK
Sa tuwing tarangkahan mo'y
akin nang abot tanaw
Nauupos ang pangungulila,
Napapawi ang panglaw.

Ganito ang hitsura ng lumang simbahan
ng Parokya ng San Miguel Arcanghel
bago matupok ng apoy noong 2007.
Bilang napaliligiran din ito ng iba pang munisipalidad, naging sentro na rin ito ng komersyo at kalakalan. Marami ring opurtunidad ang naibibigay nito sa mga taga-ibang bayan dahil sa Camiling sila naglalako ng kanilang mga produkto. Patuloy pa rin itong umuunlad. Sa dalawang taong pagkawalay ko dito, sa mga iilang pagkakataong nakakabisita ako’y kapansin-pansin ang patuloy nitong pag-unlad. Pero may mga bakas pa ring nakakapagpa-alala pa rin ang mga ng kabataan ko tulad ng lumang simbahang tinupok ng apoy noon. Habang nasusunog ito noo’y nakadapa ako sa kalsada, kundi dahil ako’y nagdarasal o namamanata, kundi dahil nasagasaan ako ng isang usiserong nakabisekleta.

Tatak Camiling, Lasang Camiling
Isa sa mga kilalang bumubuo ng pagkakakilanlan ng isang lugar ay ang lasang iyong babalik-balikan. Ito ‘yung indibidwal na kontribusyon niya sa sanlaksang hapag ng pagka-Pilipino. Hindi papatalo ang Camiling diyan. Kilala ang bayan namin sa chicharon. Hindi man ito gano’n kalaganap sa Pilipinas, tiyak na  uulit-ulitn mo ito kappa-natikman. Hindi ito ‘yung chicharon na karaniwang inilalako sa daan na nilalagyan ng suka. Ito ay may hawig sa bagnet pero malutong ang balat at “juicy” sa loob. P’wedeng  ulamin ng may kamatis  at alamang o sawsawang bagoong, suka at bawang. Ang pinakagusto ko, ‘yung kapag isinahog ito sa pinakbet. Mapapakain ako ng todo ‘pag nagkataon. Yum!



Isa pa sa mga namimiss ko ‘yung iniruban. Tiyak kong napapakunot na ang noo mo kung dayuhan man sa iyong pandinig ang sinabi ko? Ito ay prinosesong diket o malagkit na kulay berde o lumot. Mula sa palay ay iniihaw (pag-irob) hanggang sa malaglag ang mga butil tsaka naman binabayo hanggang sa matanggal ang ipa at lumambot. Masarap itong gawing mga kakanin tulad ng inkiwar (sinaing sa gata), latik at suman.



Isa sa mga atraksyon sa Camiling Chicharon-Iniruban Festival
 ang street dancing exhibitions.
Nakalulungkot lang at madalang na lang ang gumagawa at nagbebenta nito dahil matrabaho at may kamahalan. Pero isinasabuhay namin ito sa pagdiriwang ng Chicharon Iniruban Festival na kadalasang ginaganap sa mga huling linggo ng Oktubre o sa pagbubukas ng Nobyembre. Naaalala ko pang walang palya akong lumalahok sa mga street dancing exhibition. Kung ‘di man bilang isang mananayaw ay naka-alalay ako sa mga kalahok.

Sino sikat? Camiling daw sabi ni Gat!
 Napapayuko pa ako dati sa tuwing ang pinag-uusapan ay mga pinagmulang lugar. Karamihan kasi sa mga kakilala ko ay may naipagmamalaking sikat na artist o politico. Pero ngayon ang pambasang bayaning si Jose Rizal na mismo ang magsasabing sikat ang taga-Camiling. Nabighani nga siya kay kababayang si Leonor Rivera na isinabuhay bilang Maria Clara sa kanyang mga nobela.

Ilan pa sa mga sikat kong kababayan ay sina Alberto Romulo (dating Foreign Secretary, senador at Executive Secretary), Cesar Bengzon (dating Punong Mahistrado),  Onofre Corpuz (dating kalihim ng Edukasyon, Kultura at Isports) at siyempre si Dexter (dadag ko nalang ‘yon!). Taas noo, Camileño ako!

Tahanan din ito ng Tarlac College of Agriculture kung saan ako nag-aral ng koliheyo. Kung dati ay blangko lang mukha ng mga tao sa tuwing binabanggit ang pangalan ng aming kolehiyo ngayon ay naging  kilala na ito sa larangan ng agrikultura at iba pang mga larangan. Dito rin ako natutong maghabi, magtagpi-tagpi ng mga salita at bumuo ng mga kwento, balita, at mga sulating naibabahagi ko sa ibang tao.

‘Di man sikat, sa puso ko nama’y walang katapat!
Wala man itong ipinagmamalaking mga dagat, kuweba o bundok ay buong pagmamalaki ko pa ring ipinagpapsalamat ang pagiging isang mamamayan ng bayan ng Camiling. Dito ako natutong unang humakbang, nadapa, nasagasaan, umibig, nabigo at higit sa lahat harapin ang buhay ng may pag-asa lagi sa puso.


Kung wala ang Camiling, marahil wala ka ring binabasa ngayon. Tama nga ang sinabi nilang, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan.” Dahil sa pagbalik tanaw mo nakukuha ang lakas upang muling magpatuloy. At sa pagsulyap mo sa mga karanasan at lugar na umaruga sa iyo’y mas nagiging ganap ang tagumpay pagdating sa itaas.

Nais ko man maging patas na tulad ng mundong bilog, oblate spheroid naman ang tunay na hugis nito. Nakahilig pa sa axis kaya kahit ngayon lang, kikiling ako dahil tunay na magaling ang bayan kong Camiling!

*** Ang awtor ay hindi inaari ang kredito para sa mga larawan

Ang blog entry na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 4


Thursday, September 13, 2012

Lakbay sa Loob ng Bahay na Salamin

Isang lagusan ang pilit na pinasok
sa pagnanasang makilala itong imahe
na sa bawat pagliko’y laging namamasdan.
Sa dami ng sala-salabat na landasing ating tinatahak
ay nakalahad sa aking salisalimuot na daraanan
itong  ‘di rin mabilang na pagkakataong
nasasalubong siyang tiyak.
Sa bawat makinang na pader ay masisipat
parehong mukhang aking hanap
datapwat may mga mumunting kaibhan
sapagkat ang mga ipinintang dibuho’y
iba’t iba ang hugis, laki at kulay.
Ngunit ‘di maiwawaksi ang katotohanang
iisa ang mukhang may ngiti at luha
mula sa mga salaming aking sinisipat.
Mapanuri. Sang-ayon subalit tumutuya.
Lumilingon pabalik sa bansang aking tinanging
nagbigay ng lakas at mithiing kay sidhi
Sa paglabas sa bahay ng mga salamin,
tulad ng biyahe sa buhay nating babakasin
ay mapagtatantong ang bawat isa,
na may sanlaksang hugis , laki at kulay,
ay isang repleksyon ng kabuuan ng ating paglalakbay
at ng PINOY saan man sa mundo matangay
tungo sa ang tunay na AKO at ng tunay na IKAW.

*Ang tulang ito ay kalahok sa Saranngola Blog Awards 4 


Ang Tunay na Lalaki, Totoo sa Sarili

Picture from  http://www.gmanetwork.com
Mula sa take-a-bow moments ko sa pagbabasa ng  librong “The Best of This is a Crazy Planets” na halaw sa blogsite ni Lourd Ernest H. De Veyra ay napadpad ako sa tunaynalalake.blogspot.com na naging inspirasyon niya para sa isa niyang entry na pinamagatang “Ang Tunay na Lalaki Walang Abs.” Sa blogsite na ito ay nakatala ang “Manifesto ng Tunay na Lalake” na isang listahan ng mga katangiang nagsasabi kung alin ang huwad sa hindi.

Ewan ko kung produkto ito ng malikot kong utak o dahil lang sa wala na akong maisip isulat at sinusubukan kong abutin ang calibre ng mga manunulat na tinitingala ko ang nag-udyok upang ang entry na ito’y kasalukuyan mong  binabasa mo ngayon.

Marami na ang nagtangkang ikulong sa kahon ang depinisyon ng kasarian ng tao. Tulad ng mga lalake, may mga katangian at mga gawaing itinuturing na unmanly. Isang klasikong halimbawa a ng pagsusuot ng pink na dati, sa sobrang laki ng isyu, ay pilit na ginawaan ng paraan ang mga daredevils upang matanggap ang pagsusuot ng kulay na ito sa lahi ni Adan. Kaya rin naman and phrase na “Real Men Wear Pink” was coined.

Sa mga naku-curious, heto at ibabahagi ko ang manifesto na iyon na sumikat na at nakita ko pang naka-imprenta sa t-shirt ng superior ko.

|>> Ang tunay na lalake ay ‘di natutulog. Una pa lang natawa na ako dito. So ang mga lalake pala ay mga call center agents o yung mga Adonis na gabi-gabi naka-abang sa Circle? Requirement pala na insomniac ka para maging manly ka sa tingin ng tao. Tsaka naisip ko mahal pala ang may kasamang tunay na lalake sa pagsakay sa eroplano, palagi kasi kayong ma-e-excess baggage sa laki ng mga eyebags nila. So girls, practicality... maghanap ng di tunay na lalake. Char!

|>> Ang tunay na lalake ay di nagte-text-back, maliban na lang kung papasahan ng load. Gayunpaman, laging malabo ang kanyang mga sagot. Hindi rin. Ang tunay na lalake ay ‘yung pinapahalagahan ang kapakanan ng girlfriend o asawa niya, na makitext man sa ‘di kakilala o maghanap ng loading station sa kalayuan, ay gagawin para lang ma-assure ang lagay nila. Hindi lang siya ang tinatawagan, siya man ay tumatawag.

|>> Ang tunay na lalake ay laging may extra rice. Lalake pala ‘yung sexy at magandang babae na nakakasabay ko minsan sa pantry na umo-order ng double extra-rice na may patis at sili on the side. Gandang lalake naman n’on.

|>>Ang tunay na lalake ay hindi vegetarian. Hindi ako ‘sang ayon dito. Sa tingin ko ay isang tunay na pagpapakalalake ang i-deprive ang sarili at disiplinahin ito upang makamit ang isang goal. Hindi rin lang naman pagpapakavain ang connotation ng pagiging vegetarian but is also for one’s own health. Cliché man pero , “Health is still wealth!”

|>> Ang tunay na lalake ay walang abs. Isa pa ito sa pathetic na gawing evidence ng pagiging tunay na lalaki. Kahit pa sabihing pre-plotted ang konseptong naikalat ng media sa mga lalaking may abs ay tiyak na mas kaaya-aya namang tingnan ang mga lalaking meron nito. Isa pa, kung ganun nga ang basehan ng pagiging tunay na lalake, gugustuhin mo ba ang mga ‘to na walang hiya sa sarili na kadalasang nakabalandra ang mga hubad at naglalakihang tiyan sa kalye? Tsaka ang karamihan sa mga sculptur ng gods ng mga Griyego ay may abs naman.


|>> Ang tunay na lalake ay hindi sumasayaw. Ang tunay na lalake sa tingin ko ay ‘yung magalang at maginoong aayain ang babaeng mahal niya na umindak sa isang romantikong tugtugin. Isa pa, feeling ko ang tunay na lalake ay kayang aging cheesy para sa mahal niya. Isa iyong pagpapakita ng katapangan.

|>> Ang tunay na lalake ay umaamin ng pagkakamali sa kapwa tunay na lalake. Dito lang ako natuwa. Ang pag-amin lalao na sa mga awkward na sitwasyon ay isang brave move.

|>>Ang tunay na lalake ay laging may tae sa brief. Grabe ‘to. Hindi naman siguro dugyot ang mga lalake ‘no liban nalang kung talagang ‘di talaga nila alam ang salitang hygiene. Sige nga, sino ang may tae sa brief ngayon?

|>> Ang tunay na lalake ay di naghuhugas ng pinagkainan o nagliligpit ng kanyang mga gamit dahil may babaeng gagawa noon para sa kanya. Mas lalong nagiging tunay ang pagkalalake kung di niya kilala o di niya maalala ang pangalan ng babae. Tingin ko dagdag pogi points kapag marunong kang magtrabaho sa loob ng bahay. Ang tunay na lalake ay marunong magpakumbaba at kayang isantabi ang bayag niya upang makatulong sa iba.

|>> Ang tunay na lalake ay di nagsisimba. Ito ang pinaka-foul sa lahat at ‘di ko matatanggap. Isa lang, wala namang salitang “lalake” kung walang Diyos  ano pa kaya ang ang “tunay na lalake.” Isang karuwagan ang ang i-deny na may mas malakas na puwersang lumulukob sa sanlibutan.


At sa akin isa lang ang pagiging tunay na lalake at ‘yon ay ang pagiging totoo sa sarili. ‘Yung hindi pipigilan ang mga nararamdaman dahil pilit na ikinukulong ang sarili sa imahe na gawa-gawa lang ng iba. ‘Yung kayang aminin na natutuwa siya sa mga palabas ni Barbie o Hello Kitty. ‘Yung kayang i-appreciate ang art o fashion. ‘Yung kayang mag-sorry at mag-I LOVE YOU sa mga taong mahal niya sa lahat ng panahon. Higit sa lahat ang pagkakaroon niya ng takot sa mga kaya niyang gawin at sa Diyos. Sa bandang huli, hindi isyu ang kasarian at sa halip ay ang kabuuan ng ating pagkatao.

Friday, September 7, 2012

Kape at Creamer: Happy Bertdey Sa’yo

Soulmate man o hindi, alam kong isa siya sa mga taong  hinding-hindi ko pagsasawaang makasama. Hindi ka naman araw-araw makakakita ng taong  mapagkakatiwalaan mo at mapagsasabihan ng lahat. Best Buddy. Confidante. We all long for a companionship that you can rely on. Isang bond na mas madikit pa sa super glue at mas matibay pa sa kahit anong gusali sa mundo.



Halos magdadalawang taon na akong nakatunghay at sa akin ay nakabukas ang libro ng kanyang buhay. Alam ko kung kelan siya natutuwa, naiinis at galit (kahit ang ilan ay drama lang niya minsan hehe ^_^).

Parang si Phineas at Ferb, Spongebob at Si Patrick, mga Winx at Pixies, sago at gulaman at kahit tulad na lang ng salt at pepper shakers. We complement each other.

At sa pinka-importanteng araw mo, isang pagpupugay at pasasalamat sa pagiging creamer mo sa mapait na kape ko. HAPPY BIRTHDAY!