Makulay. Pares pares. Sari-saring hugis. Sukat. Magkakambal na saplot sa paa.
Sige pili lang nang maisukat. Kailangan ng babagay sa paa. Komportable dapat. Lumapit si Mac-mac sa sales lady.Pilit niyang kinuha ang atensyon nito.
"Oo, miss."
Kinuha ni Mac-mac ang isang pares ng tsinelas sa rack. Size 9. Siguradong kasya sa paa niya.
"Oh, yan po sir. Bagay po sa inyo. Tamang-tama. That's one of the best here po, best brand po namin yan."
Isinukat. Sinipat. Tumango. Bagay nga. Magarbo. Paniguradong mahal. Hindi bale. 'Yon naman talaga ang hinahanap niya. Branded. Pamporma. Cool.
"Sige, miss. Kukunin ko."
Iniabot niya ito sa sales lady na kanina pa nakangisi. Umubra ang sales talk at mukhang makakabenta.
Muling nabaling ang atensyon ni Mac-mac sa rack. Tingin-tingin lang. Nang walang anu-ano'y nahagip ng kanyang mata ang isa pang tsinelas. Kinuha. Simple. Kung tutuusi'y pipitsugin. Medyo magiging maliit dahil size 6 lang. Isinukat. Kinilatis. Gumuhit ang matamis na ngiti sa mukha ni Mac-mac. Natipuhan.
Eh ano naman ngayon. "Miss pakisama mo na rin to"
Kumunot ang noo ng sales lady. Astang mapapakamot ng ulo.
"Sir, wala pong pair 'to."
"Basta babayaran ko."
Bunot ng wallet. Abot ng bayad. Tiyak luluwa ang mata ng sinoman 'pag makita ang presyo nung branded. Sa kabilang dako, kahit sino kayang bilhin 'yung ikalawa, mumurahin na wal pang kapareha. Tiyak nakabili na sana siya ng sampu nito kapalit nung may tatak. Sino naman ang bibili ng tsinelas na kaliwa lang. Tiyak di rin magagamit.
Pagkalabas na pagkalabas niya ng department store ay agad sinukat ang pinamili. Isinuot. Yung branded muna. Napailing si Mac-mac. Parang may mali.
Isinukat niya rin 'yung isa pa. Ung de-tatak sa kanan at sa kaliwa 'yung hindi. Size 9 at 6. Asiwa. Kakat'wa. Maling-mali. Hindi man 'yon ang tamang magkapares. Ngunit sa pakiramdam niya'y tama.
Gumuhit ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Eh ano naman ngayon. Masaya sa napili niyang isuot.
'Di magkapares. Hindi cool. Kakat'wa mang tingnan subalit masaya siya. Magandang magkasama.
Walang atubiling tinapon niya ang dapat ay kapares nung branden niyang tsinelas.
Tumingala. Muling napatitig si Mac-mac sa kanyang bagong pares ng tsinelas. Napangiti siya. Mahaba at malayo pa ang lalakarin.
- HUBS 18, May 16, 2011
(This was written to prove that not everything that seem odd could be offensive, abnormal and unacceptable. Sometimes it needs guts and utter feelings of joy from deep inside.)
- i do not own the photo and am not taking the credit.
No comments:
Post a Comment