Sunday, May 13, 2012

Agos

Tik…tak… tik… tak…


Nalalapit nang pumatak sa ika-anim ang kamay ng orasan. Sumisipol ang malamig na hangin habang nakikipagsayawan ang mga patay na dahon sa nakabibinging katahimikan.
Ang ngiting nakapaskil sa aking mukha'y isang maskara’t isa ring kalasag. Ang namumulang pisngi ng langit ang nagpapabalik sa mga alaala. Mga alaalang sapat upang gibain ang mga moog sa katahimikan.

Tik… tak… tik… tak…

Madilim ang hapong ‘yon. Hinihintay ko ang pagdating ng sasakyang maghahatid sa akin pauwi ng bahay. Uulan pa ‘ata.
Mukhang labis akong ginabi sa paggawa ng thesis ko. Ilang gabi na rin akong nagpupuyat. Babagsak na ang mga mata ko. Nag-aalinlangan ako, baka kasi wala na akong masakyan.
Nagdesisyon akong maglakad-lakad muna. Inabot ko ang isang kantong madilim nang hindi ko man lang namamalayan. Doon ko namalas ang tagpong pinagsisihan ko hanggang sa ngayon.
Ang mga luhang pumapatak galing sa ‘yong mga mata ang siyang lumulunod sa akin. Mga ilog na naglalandas dulot ng mga hayok habang pilit nilang iginigiit ang bagay na pipilas sa buo mong pagkatao.
Impit ang iyong pagsigaw. Marahil sa takot. Sa poot. Sa 'di maindang kirot. Subalit wala akong nagawa. Nanatili akong nakatulos sa aking kinatatayuan. Habang pilit naglalaban ang mga bagyo sa iyong kalooban.

********


Isang taon na rin mula nang sagutin kita. Mapilit ka kasi at talaga namang wagas na pagmamahal ang ipinadama mo sa akin.
Ngayo’y ipagkakaloob ko ang bagay na dapat sa iyo. Ngunit bakit muling naglalandas ang mga ilog na siyang nagpapalabo sa aking paningin. Bakit hindi ko na mamasdan ang maamong mukhang nangakong hindi ako iiwan?
Tanging mga halakhak ang pumupuno sa aking pandinig. Nagpapatuloy ang pag-agos ng mga ilog. Sa una'y ilog na parang tubig. Hindi lang dumadaloy, walang humpay na bumubulusok. Walang takot at animo’y hahawiin anomang madaanann. Naging pula nang maglaon.
Hanggang sa maglaho ang mga ungol. Hinigop ng karimlan.

********

Tik… tak.. tik.. tak…

Oo. Isang taon na nga nang suyuin kita. Isang taon nang masaksihan ko ang pagguho ng iyong moog. Isang taon nang ipinangako kong ako ang bubuo sa iyong muli. 
Naging matiyaga ako. Hinintay ang mga sandaling pinagsasaluhan natin nagyon. Na ang pag-ibig nati’y muling magpapanumbalik ng mga ngiti sa iyong mga labi. Mabibigo ba ako?
Sa isang banda, nagtagumpay ka na rin naman. Nakamit mo na ang paghihiganti sa pamamagitan ko. Maglalaho na rin ang mga mapanudyong halakhak. 
Nais ko sanang maampat ang pagdaloy ng mga ilog sa iyong mga mata, mahal ko. Hayaan mo nang ang pulang ilog ang sa akin ay maglandas.

********
Tik… tak.. tik.. tak…

Nalalapit nang pumatak sa ika-anim ang kamay ng orasan. Sumisipol ang malamig na hangin habang nakikipagsayawan ang mga patay na dahon sa nakabibinging katahimikan.
Ang ngiting nakapaskil sa aking mukha’y isang maskara’t kalasag. Ang namumulang pisngi ng langit ang nagpapabalik sa mga alaala. Mga alaalang sapat upang gibain ang mga moog sa katahimikang ‘yon.
Ang panggagahasa sa akin ng mga hayok. Mga kaibigan mong halimaw. Wala na akong marinig.
Subalit bakit umaagos pa rin ang mga ilog. Ang ngiti sa aking mga labi’y mapagbalatkayo. Ngiting may kirot. Ngiting malamig.


Hawak ko ngayon ang pusong naging kaisa ng sa akin. Pumipintig. Kulay pula ang langit. Patuloy ang pulang ilog sa pag-agos. Mula sa iyo. Mainit.
Para sa iyo, mahal ko. Pipilitin kong pigilin ang pag-agos ng mga ilog sa mga matang ito. Salamat sa pagpapalaya mula sa tanikala ng nakaraan.

********
Tik… tak.. tik.. tak…

Pumatak na sa ika-anim ang orasan.

Hindi lang isa. Dalawang pulang ilog ang ngayo’y aagos.

Ang dalawang pulang ilog ay magiging isa. At sa aking pagpikit, huhugasan ng mga ito ang maitim na langit.

No comments: