Saturday, June 30, 2012

Buy at Your Own Risk

Napakalaki na ng epekto ng komersyalismo kalakip ng marketing/advertising sa buhay ng tao. Hindi ko mawari kung bakit nabubuhay tayo (kasama ako) base sa standards na itinakda ng iilang tao. Kakatwang isipin na parang mga zombie ang mga consumer sa kakabili at pagsunod sa mga trends habang nagpapakabundat naman ang mga bulsa ng mga taong nasa likod ng mga produktong ito.

Sa isang banda maihahambing ang pag-aadvertise sa hipnotismo sa paraang pilit na hinihikayat ang mga taong bilhin ang mga produkto na umaabot na sa puntong iisipin mong necessity ang mga ito. Maraming paraan kung paano masisilo ang mga consumer sa pagbili ng produkto o paggamit ng mga serbisyo. Narito ang ilan sa mga madalas kong mapansin.

Demonstration: “Epektib ‘to. Ayan oh, kita mo?”
Kadalasan itong isinasagawa sa shopping centers, supermarkets at matataong lugar. Isang klasikong halimbawa ay ang mga promodizers na nakamikropono at nagtatawag ng mga manonood upang ipakita ang mga kayang gawin at superpowers ng mga produkto nila. Parang ‘yung plantsang may built in spray, knife set, pang-is-is ng kaldero, de-bateryang brush, gold na di namumuti ‘pag binabad sa kalamansi, scratch-proof monitor at kung anu-ano pa. Isa pang example ay ang before and after na eksena sa mga patalastas. Dahil kita mo agad ang malamang na resulta base sa mga nakikita mo at napabilib ka ng demo malamang na idadagdag mo na ang mga produktong ito sa shopping list mo.

Bandwagon: “Ikaw na lang ang wala pa nito, cool ‘to dude!!”
Are you in or out? Style ito ng mga manufacturer kung saan pinagdidikdikang ‘cool’ ang gumamit ng produkto o serbisyo nila. Tipong “I’m not born yesterday!” ang mensahe. At dahil nagiging trend at ayaw mong mapag-iwanan sa uso, gagawa ka ng paraan makabili o makagamit lamang ng mga ito. Kapag wala ka kasi ng mga ito, ikaw na ang baduy at pinaka-uncool na to sa mundo.

Statistics: “Did you know that 9 out of 10 blah blah blah...”
Ito ‘yung mga produktong parang mahirap nang tanggihan. Backed with studies at facts kasi ang pagpepresent ng mga ito. Kunware, ang hydroquinone ay isang melanin limiting chemical. Ang melanin ang dahilan kung bakit maitim ang kuyukot, este, ang balat in general. So dahil may study at nakita mong present sa sinabing “skin whitening cream”  bili ka agad nito. Hind mo lang alam ‘di ka naman pinapaputi nito dahil nililimit lang naman ang melanin production. Pero minsan gamit ang iba pang kemikal puputi ka naman talaga pero lifetime na ang paggamit mo ng ganitong product or you’ll go ricocheting sa pagiging negra. Isa pa ‘yung statistics na 9 out of 10 households are using this product chenilyn. Confident ka sa figures at mas papaboran mo dahil nga karamihan ay preferred itong gamitin. Ang nakakabobo lang lahat ng magkakakompitensyang produkto iisa ang sinasabi. Parang nagkopyahan lang sa exam.

Promotions: “We have an offer that will certainly benefit you and save you money.”
Sales, discounts, loyalty offers, buy back guarantee at kung anu-ano pang mga pakulo. Isa ito sa mga malalakas sa bentahe ng kumpanya. Isa sa pinakapopular na halimbawa nito ang mga “buy one, take one offers”. Dahil mas mura nga naman sa karaniwang presyo at dalawang item ang iuuwi mo, you will certainly be compelled to buy kahit di mo kailangan. Impulsive buyers ang karaniwan nitong target. Pero kung susumahin eh pasok naman sa presyo ang producton cost ng dalawang item at may tutubuhin pa rin ang mga manufacturers. Akala mo lang naka-save ka ang totoo overpriced ‘yung regular nitong presyo. Another example ‘yung pabibilhin ka ng produkto nila na 'pag umabot ka sa cap, ang peg, may’ron kang gift certificate. Iisipin mong makakamura ka pero ‘yung gift cert eh valid lang naman gamitin sa mga produkto rin nila. Ang labo, ending, sila rin ang talagang nakinabang sa purchase mo. T_T

Star Power: “I am a star, ‘pag bumili ka, you are also a star.”
Alam mo na. Artistang gwapo at maganda. Dahil idolo mo gusto mo lahat ng gamit niya meron ka. Bili ka lang ng bili dahil tingin mo gagnada/popogi ka ‘rin. Minsan kapag ’di ka bumili ikaw na ang pangit. Asar lang minsan na sa halip na hygienic factor ang prinopromote eh ‘yung added beauty ang ginagawang platform sa mga produkto.

Heartstrings: “If you buy, you help support a charity...”
Eto yung mga strategy na sumusundot sa emosyon ng mga consumer. Emotional attachment is a very compelling tool. Halimbawa na ang mga commercials na may mga bata na madaling ikinatutuwa ng mga mamimili. Sino ba naman ang makakatanggi sa mga cute na batang nagpro-promote ng product. Isa pang madaling makahikayat ay yung mga motion editorials na ang pa-epek ay alleviating lives, connecting friends and love ones kung san makikita mong habang ginagamit nila ang serbisyo ay nakangiti ang mga commercial models na parang perfect life drama. Ang pinaka-ayaw ko ay ‘yung mga charity campaigns daw na sa bawat purchase ay may porsiyentong mapupunta pantulong sa mga ito. Guilt trip ampota. Parang ang sama mo na ‘pag ‘di ka bumili dahil wala kang kunsensiya dahil sa hindi mo naisip ang tumulong.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga istratehiyang ginagamit para maging mas saleable pa ang isang produkto o serbisyo. Minsan kumbinasyon ang mga ito na mas nakakahikayat ng buyers at loyalist.

It is very ironic. Nakakatawa na ang mga bagay na ‘di ko pinaniniwalaan dati bilang consumer ay hayagan ko nang isinasabuhay bilang isang sales agent. Minsan nadadaan na lang sa positive scripting para lang mapilit si customer na “kailangan” niya ang produkto at discreetly implying na hindi siya p’wedeng tumanggi. Matutuwa ka bilang ahente na may mga taong napakadaling kumagat sa mga sales offer at promotions. Although minsan ‘di ako pabor sa mga misleading ads, pero dahil parte ng trabaho I just make it a point na mamamaximize ni customer ang mga produktong bibilhin sakaling kagatin ang offer.

Para sa mga consumer, mainam na tignang mabuti ang mga produkto. Huwag basta basta bibili. Kung maari magbasa ng mga reviews lalo kung long-term investment ang ipu-purchase though, sometimes, isa ring strategy ng mga kumpanya ang mga reviews. Bale, buy at your own risk and be wise sa mga desisyon na lang. Sige na, add to cart and check out please!

Thursday, June 28, 2012

Re-runs

Muli niyang nilingon ang kanyang wristwatch. Makailang ulit niya na itong tinitingnan,nagbabakasakaling umabot pa siya.

"San ka? Aalis na ko!" text ni Maira. Lalong umaatikabo ang pagtagaktak ng pawis ni Chito. Basang-basa na ang kanyang damit. Nasanay na kasi ang katawan niya sa libreng aircon mula sa pinapasukang BPO company. Madali siyang nagta-type ng ire-reply nang pumasok ang tawag ng TL niya.Potek! Inis niyang pinindot ang cancel button at tinapos ang pagtype.Iipinadala ang mensahe.

Siksikan sa loob ng dyip. Palingon-lingon siya habang iniingatan ang isang pumpon ng gerberas na dinaanan pa niya sa Dangwa. Wala sa plano. Kapos sa budget. Hindi pa nagpa-tawad ang tindera. Nakadagdag pa sa pagkabwisit ni Chito ang maalinsangang panahon. Kasalukuyang binagbagtas ng sinakyan niyang dyip ang kahabaan ng Espanya kung saan napakaraming stoplight na maaaring umantala sa biyahe.  Lumiliit ang tyansa niyang maisalba ang relasyong iningatan niya ng halos isang taon. Ngayon sana ang anniversary nila ng babaeng pinakamamahal niya.

Aligaga niyang hinagilap ang cellphone nang biglang umalingawngaw ang kanyang message alert tone. Umaasa siyang text 'yun ni Maura na nagsasabing okay lang ang lahat, na siya'y hinihintay na nito sa kanilang binuong tahanan. “Why did you leave? I didn't permit you. You should've attended our team meeting. We'll talk when you report back to work.” text ni Lisa. Halatang-halata ang masidhing pagkadismaya sa kanyang mukha matapos basahin ang mensahe mula sa kanyang TL. Inis na inis si Chito.

Tumodo ang init ng kanyang ulo. Gusto niyang sapakin ang kanyang boss sa mga sandaling 'yon, hindi dahil sa reprimand o sa laman ng text, kundi siya ang dahilan kung bakit sila nag-away ni Maura. She's not sole to blame though. Natural na kasi sa team nila Chito ang tawagang “beh” na siyang pinagselosan naman ng kanyang girlfriend matapos nitong mabasa ang chat hsitory sa FB account niya. Sinubukan niyang mag-eksplika bago pumasok ng araw na iyon but to no avail. Tigas sa pagtatampo si Maura.

Isang kanto na lang bago ang tinutuluyan nilang dorm nang maging pula ang stoplight. Hindi yata sumasang-ayon ang pagkakataon. Mabilis siyang bumaba ng dyip na parang kotseng beating the red light. Humahangos siya nang marating ang kanilang kwarto.

Katahimikan ang bumungad sa kanya. Wala na si Maura. Dala ang lahat ng gamit. Walang katiyakan kung babalik pa.

Halos magkatas ang mga bulaklak sa pagkakapisil niya. Nanatili siyang nakatulos sa kinatatayuan habang minamasdan ang tila natatanging bagay na kasama niya sa silid na 'yon – ang bukas na laptop kung saan pauli-ulit na naka-play ang masasaya nilang larawan sa kanyang screen saver.

Nanginig si Chito nang lapitan niya ito. Nakalog-in pa pala ang FB account ni Maura. Nag-uunahan sa pagpatak ang kanyang mga luha nang mabasa ang chat feed, kasabay ng pagkatuyot ng mga pangarap.

Joey: Asan ka na beh?
Maura: Papunta po ako beh. Meet you there. :)

Muling tumunog ang kanyang phone. One new message. Si TL Lisa. 

Walang trabahong madali. It's mind over matter guys. Thinkers are doers!”

Tama. Thinkers are doers. Paulit-ulit ang mga katagang ito sa isip niya. Parang mga re-runs ng palabas sa telebisyon.

Deja Vu

Dumuduyan sa ritmo ng nakaraan
ang mga mga awiting dati'y may himig...
Bumukas man ang bibig ay 'di naman makasasambit
ng dulang sa puso'y makalalango.
Mananatiling tigang ang mga daluyang nautas
dahil hindi kailanman muling tutubo ang ugat
sa lupang naglulunoy sa maitim na tubig.
Maaaring makaakit at makasilong panandali
at muling kikislap ang mga pisnging tinuyong pilit.
Iba't ibang berso ang muling lalapatan
ng tunog, ng kiliti at landi.
Mga setro'y magpapapalit-palit...
Isa. Dalawa. Sabay. Maaaring pasalit-salit.
Sisidla'y mapupunong muli, pansamantala...
mauulit ang mga panaginip dahil hanggat may ilaw
ay muli't muling ang mahihina'y masisilaw
at ang itim na anino ng nakalipas mahuhubog na naman.

Friday, June 22, 2012

-ISM Chronicles

Nahihirapan akong mag-isip ng blog entries lately. Para lang akong babaeng may irregular na regla. Napaka-unpredictable. Kaya naman bow ako (aminin kong naiigngit din, slight!) sa mga blogger na may regular na naipopost. Para lang akong naghuhukay sa gitna ng disyerto. Hinihintay ang pagkakataong, voila, makatagpo ng oasis. Sa sobrang hirap kasi ng training ko sa trabaho, pag-uwi ko ng dorm e sabaw na lang ang laman ng bungo ko.

Ilocano tutorial sana  kaso biglang lumiko ang takbo ng isip ko. Uunahin ko sanang ituro ang “isem” na Ilocano word ng ngiti (smile sa Ingles) kaso ironic na napapasimangot ako. May resounding na babala ang utak ko na nagpapa-alaala sa mga salitang nagtatapos sa –ism (i-sem).

Una na diyan ang credentialISM. Ilang beses na akong nabiktima nito. Ito yung over-emphasis sa mga kwalipikasyon, kompitens at awtoridad ng isang tao. Natural na bawat employer ay may expectations at qualifications na hihingiin mula sa mga aplikante. Point taken. Ang masaklap eh discriminating lang ang mga ito minsan.


Makailang ulit na akong sumubok na mag-apply as editorial assistant o writer ang kaso sa minimum requirements pa lang e tiyak babagsak na. Alam ko namang kayang kaya ko ang job description at hindi sa pagmamayabang, pero sigurado akong may talent ako sa pagsusulat. Pero nakaka-down na mabasa mong kailangan graduate ka preferably from UP, UST, La Salle, Ateneo and the likes. Hindi ko ikinakahiya ang Tarlac College of Agriculture (TCA) as my alma mater but based on experience sa tuwing babanggitin kong dito ako nagtapos, kahit sabihin pang with high honors, e malimit na katahimikan o kaya’y isang matipid na “okay” lang ang isinasagot ng interviewer. Napakalaki kasi ng hype sa mga famous universities na ‘yan. Tingin ng iba sa mga graduates mula sa di kilalang skul eh mediocre at ang mga graduate sa mga ‘yun e diyos (no offense ta hindi ko po nilalahat). Tae! Kaya kahit mas magaling ako, yung grumaduate ng USTe ang dapat pasok  kahit mag-inom, manigarilyo at mag-Friday-night-out lang ang alam niya. Swerte ka kapag ang mga kalaban mo eh walang masteral or Ph. D. Na nakakabit sa pangalan dahil kapag nagkataon, nganga ka na lang.

Isa pang nakakaloko minsan ang sexISM. Ito ‘yung discrimination among sexes. May mga tinatawag na male chauvinists na tipong ina-advertise ang kalamangan ng mga macho sa mundong ibabaw. Sila ‘yung mga makaluma ang isip na ang tingin sa mga Eba ay para lamang sa bahay at magagaang na gawain. Things have changed. Empowered na ang women of today and the future. Kaso masakit lang sa tenga ang paulit-ulit na pagrarally ng mga feminist group na overacting na minsan. Mayroon na ngang women’s desk sa mga presinto ngayon. Kahit psychological harassment issue na. Umuurong ang bayag ko at napapailing na lang na ambigat ng mata ng publiko ‘pag babae ang naagrabyado pero ‘pag lalake ang naaabuso ng mga kababaihan ayos lang. Natatawa ako na naiinis ‘pag nagrereklamo ang mga gelay pag nireregla sila. Di raw kasi kumportable. Pasalamat sila at ilang araw sa isang buwan lang nila ito nararanasan e ang mga lalaki kapag dinalaw ng libog, hindi na magkandaugaga kung paano kakambyuhin ang dagang nagwawala sa loob ng pantalon. Hirap kaya at take note, di iyon once-in-a-blue-moon kung dumating.



Madalas ang bangayan kung si Eba o Adan ba ang mas magaling sa math, kung sino ang mapropromote sa trabaho at kung anik-anik pang who is better escapades. Dapat raw kasi pantay. Hindi natin maisip minsan na compliments ang mga sexes – parang susi at padlock. Teka naalala ko kami, keychain? Hehe. At ang mga kapatid humihingi ng sariling CR, nakakahurt naman daw po kasi kung sa PWD.

Marami na pala akong nasabi. Time to park the pen. Or rest the fingers in my case. Pwede na ngumiti. Enjoy life and be positive. Kalimitan, issue lang yan sa perception management. Isem ka na lang.  

Wednesday, June 20, 2012

Linlangin

Ipakita mo...
ang mukhang nabahiran ng sigwa
at pandayin ang panahon, nang sa kuta'y
maititigib ang tuwa't ang giliw ay maipadama
Ipadama mo...
ang rurok na ninanais at pagkatpos
ay iyong maipipinid ang pintong
kukupkop, sa panambitang pilit iparirinig.
Iparinig mo...
ang tinig na sa akiy hahaplos at waring
walang hanggang maibabayubay
ang mga alaalang sa isip ay mapanlinlang.
Linlangin mo...
ang mga paru-paro't alitaptap sa nektar,
liwanag ng buwan at ang araw sa takipsilim...
magsasayaw, sa gitna ng maliwanag na dilim.

Note: This is already edited and would not be the same as what was published in The Golden Harvest. Enjoy!

Tuesday, June 19, 2012

Customer Service at Kung Anik-anik na KaMEMAhan

Wala. Blangko. Unproductive.

Ganyan ang utak ko nitong mga nakaraang araw. Ito rin marahil ang dahilan ng hiatus sa blog ko.  Ito ulit ako namamasyal sa isang bagong environment na nangangakong friendly ang future, bagong trabaho, bagong simula. Kakambal ko na ata ang stress. Naigradweyt ko naman ang kurso ko at naipasa ang licensure exam para maging isang lehitimong guro pero bakit ba ako nagtitiyaga sa BPO kung saan expected ang  harapang pagsagupa sa sandamukal na stress?

Speaking of stress. Wala nang makakapantay sa pressure na dulot ng pag-upo ng walong oras habang nakikipagkwentuhan sa mga taong mula sa kabilang dako ng daigdig na walang ibang gusto kundi ang gusto nila. Hirap ispelengin ng mga services at products sa Amerika. Binebeybi ang mga customer pero napaka-stiff naman sa mga policies. Kawawa ang mga agent. Napaka-ironic lang na they are so poised for customer satisfaction pero ang mga polisiya nila e hindi flexible na ang ending irate customers. Minsan nakakabobo lang. Uurong ang bayag mo sa kaka-please sa kanila habang ang isa mo pang katauhan ay tahimik na nagmumura. Sa bandang huli, dissatisfied pa rin at mapapa-usal ka na lang ng panalangin mo na sana hindi nila sagutan yung survey.

Dahil sa exposure ko sa ganitong culture ng customer service, marami na akong napupuna na noo’y pinalalampas ko lang. Dati sa tuwing may hindi maganda sa serbisyo o pakikitungo ng mga public servants o maging ng mga crew ng fastfood magtataas lang ako ng kilay sa isip ko. Ngayon dahil sa big deal sa trabahong kinamulatan ko ang customer satisfaction, I demand the same thing. 


Naalala ko ‘yung encounter ko dati ‘yung crew ng fastfood na may tagline na “finger lickin’ good.” Masaya ako noong araw na ‘yun pero dahil sa imbyernang gelay, nasira ang araw ko. Pagka-order ko ng flavor shots meal na may sweet-chili sauce, inabot ko sa ale ang  limandaang piso. Nagtanong siya kung may smaller bill ako with a tinge of pagkainis. Sasampalin ko na dapat pero naisip ko baka  ‘di lang nacalibrate ang tenga ko. 

“Pasensiya na, ‘yan lang kasi ang dala ko,” malumanay kong sagot. Bigla ba namang nagdabog habang binibilang ang baryang isusukli sa akin. Gusto ko na sanang hablutin at ipangsakal sa kanya ang pagkahaba-haba niyang buhok. Pero dahil mabait ako, hinayaan ko na lang. Ang kaso hindi doon natapos ang pagkainis ko. Iba ‘yung order na binigay niya. Nagtitimpi pa ako. At first there was silence and then I said, “Miss sa susunod makinig ka kasi, ok na ‘to. Libre naman ang presence of mind eh,” sabay kembot papalayo.

Madalas na napakasusungit ng mga nasa ganitong industriya kung saan higit na kailangan ang pasensya. Wrong profiling kung baga. Inis na inis ako sa mga guwardiyang sobrang hangin na tipong sila ang may ari ng mga establishments na pinapasukan nila. Kaya minsan ang iba pinipili na lang magtatanga-tangahan sa halip na magtanong sa mga jaguar (dya-gwar). Parang mga bakang nireregla lang kasi ang mga ito minsan. Madalas ang mood swings. Kaya ang mga policies e naiimplementa lang sa mga taong di nila trip. 

Isa pa sa napupuna ko ay ang negligence sa kahalagahaan ng oras. Dahil kadalasan gabi ang pasok ko, ang natitira sa araw ay nailalaan na lamang sa pagpapahinga. Kaya naman kahit limang minuto lang ang nasasayang talagang uusok na ang tenga ko sa pagkabwisit. Isa sa mga nakakainis yung mga fastfood na kahit pila-pila na ang customer ay dalawang counter lang ang bukas. Sayang ang oras sa pagpila. 

Ang serbisyo kasi sa atin, parang weather. Hirap hulaan. Inconsistent. Depende kung may dalaw. E kung inconsistent din ang pagbabayad ng mga consumer sasabihan pa bang, “How may I help you?”

Marahil ay hindi ko dapat na ikumpara ang customer service sa Amerika at sa Pilipinas dahil sa magkaiba naman ang kultura natin sa kanila. Pero kung susumahin, hindi naman dapat na magkaiba ang pagpapakahulugan natin dito. Customer service is customer service malaki o maliit man ang bayag ng taong pagsisilbihan mo. Hindi na dapat na hingiin kundi kusang dapat na ibinibigay.

Parang freebies. Dapat libre kahit mukha lang.

Sunday, June 10, 2012

One-sided

Namumula ang kalangitan sa pagbubukang-liwayway.

Tumilaok ang tandang ni Mang Gusting habang unti-unti nang nabubuhay ang paligid. Nananatili pa rin si Chito sa kanyang pagkakabaluktot sa kama. Mistulang namanhid na’t nanigas na parang bato.

Natutulala. Pinaglalabanan ang mga emosyong nais kumawala. Ang mga luhang kinatatakutan niyang maglandas.

Tuluyan na siyang sinikatan ng haring araw. Pinipilit niyang magbalik sa pagtulog kung saan mas nanaisin niyang maglunoy sa mga panaginip. Nais talikuran ang umaga – umagang umpisa ng buhay na wala siya. Nagpapanumbalik sa kanyang isipan ang mga bagay sa kuwartong ‘yon. Mga alaala ng nagdaang gabi.

Ang lukot-lukot na kumot sa kamang hihihigaan niya, na siyang kumanlong sa dalawang pusong nagmamahalan. Mga pinggan sa mesita. Amoy ng kanyang pabangong nadikit sa unan. Patuloy na pagtik-tak ng orasan. Subalit may higit pang nakasasakit. Ang napilas na larawan. Basag na baso. Alingawngaw ng huling pahimakas. Ang pagpinid ng pinto. Lalong higit ang pagkawala ng hirap ng paglalakbay na suot ang parehas na kanang tsinelas na naglaho sa kumunoy ng mga matatamis na alaalang pilit tinapos.

Muling pipiliting bumangon ni Chito. Minasdan ang kabuuan ng lahat.  Haharapin ang dapat. Ngunit naglalaho ang lahat nang mapagtantong ang nag-iisang kanang pares ng tsinelas ang siya niyang makakapiling simula ngayon. Bumuhos ang ulan. Nanunuot hanggang buto.

Anong hirap ang maglakbay ng parehong kanan ang tsinelas ay balewala kung maglalakad nang isa lamang ang suot. Alam niya. Gaano man kakapal ang kalayo sa kanyang puso’t paa.

Saturday, June 9, 2012

Pengeng French Fries

Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa. Paano nga ba mag-aayos ng mga sira? Panonoorin ko na lamang ba sila sa kanilang mumunting ekspresyon ng kalayaan o paulit-ulit ko na lamang bang mamasdan ang ganitong mga eksena?

“Kuya, pahingi ako,” pangungulit ng batang gusgusin.

Kanina pa kasi ako nagugutom kaya inaya ko si Roy na kumain sa fastfood. Tutal may extra pa naman akong  pera. Mainit kasi ang panahon at talagang bumabaha na ang pawis ko. P'wede nang pigain at isampay ang t-shirt ko para patuyuin.

Umorder kami ng large fries at monster float para sa layaw ng mga alaga sa tiyan at pamatid na rin ng uhaw. Puno na sa loob. Badtrip! ‘Yung aircon pa man din ang isa sa mga dinayo namin.  Sa labas na lang kami. Naupo. Nagkuwentuhan. Nagpalipas-oras.

Lilibot-libot ang mga batang lansangan. Nanlilimahid sa pawis, marungis, sabog ang mga buhok at humpak ang mga mukha. May kayakap na nakasusulasok na amoy. Hindi ko mapigilan ang magtakip ng ilong. Hindi ko naiwasan ang mangutya.

Parati kong pinapanood ang mga batang ‘yun. Sa tuwing kakain kami sa fastfood ay nariyan din sila. Patakbo-takbo. Paparoo’t parito. Sira na ang mga buhay niyan. Wala nang patutunguhan. Naghihintay na lamang ng sundo. Yan ang mga salitang umiikot sa aking isip.

Sa murang mga edad ay nakikibaka na ang mga musmos na ito para sa survival. Hindi totoo ‘yung sinasabi ng iba na pantay-pantay ang mga tao. Hindi ako naniniwala sa swerte o sa malas pero sa tuwing masisilayan ko ang mga batang ‘yun habang pinapasan ang hirap ng buhay, na kung tutuusin ay dapat na ini-enjoy nila, hindi ko mapigilan ang mapa-isip. Ang malas naman nila! Kung hindi, gugustuhin ba naman nilang maging ganoon?

Nakukulitan na ako. Ayoko rin namang marungisan ang uniporme ko. Kalabit kasi ng kalabit ‘tong batang ito. Hindi na umalis e wala naman siyang mahihita. Si Roy patay malisya, parang walang nakikita. Ako kasi ang pinagdidiskitahan ng bata. Suko na ako.

“Eto boy,” sabay abot ng limang pirasong French fries.

Lumipat ‘yong bata sa ibang mesa. Wala man lang sinabi. Hindi ko maikakailang nainis ako. Salamat lang naman ang hinihintay ko e. Pero sa kabilang ng pagkabuwist ko, may kung anong kumurot sa akin mula sa kawalan. Limang piraso lang ang binigay ko. Ang yabang ko naman ‘ata para mag-demand ng “thank you” sa isang batang hindi alam kung saan kukunin ang susunod na isusubo sa kanyang nanunuyong bunganga. Isa pa, wala rin namang mga magulang ang mga batang ‘yon na gagabay sa kanila. Uunahin pa ba nilang isipin ang ibang bagay kaysa ang ilalaman sa kanilang kumukulong mga sikmura.

“Mga salot magsilayas kayo dito,” umalingawngaw ang boses ng isang babae. Mataba. Mukhang mula sa marangyang pamilya, patunay ang nagkikinangang batong nakapalawit sa kanyang mga braso at leeg. Tindig aristokrato. Nakapameywang pa’t napakataas ng kilay. Isama mo na ang makintab niyang damit at mukha. P’wedeng pagprituhan ng fries.

“Guard! Nasaan ba ang mga gwardiya dito. Ganito ba ang serbisyo n’yo. Mga letseng bata. Hala, tsupi,” patuloy ang ale sa pagbulyaw. Nakakuha ng atensyon ang Aleng umeksena.

“Gwardya, sibat na tayo!,” sigaw ng isang bata. Nagsitakbuhan ang mga paslit kasunod ng pito ng gwardiyang iwinawagayway ang batuta. Mabilis ang mga tagpo. Maingay. Nawalang parang bula ang mga yagit. Malayang-malaya. Tila mga mayang unang beses ikinampay ang mga pakpak. Kasunod nito ang malakas at nakabibinging busina. Mahabang patlang. Sira na nga ba talaga? May magagawa pa ba ako? Kelan kaya makukumpuni ang mga sira?

“Tara na uy, mahuhuli tayo sa klase,” yaya ni Roy. Natigil ako sa aking pagbubulay-bulay. Hindi ko pala kayang ubusin ang large fries. Sayang, ibinigay ko na lang sana sa bata. Baka ‘yun na ang huling kain niya ng fries, sana man lang nabusog siya.

“Kuya, pengeng French fries!” Paulit-ulit. Hindi na makukumpuni.


[NOTE: This is a literary work published when I was a writer of THE GOLDEN HARVEST, the Official Student Publication of the Tarlac College of Agriculture. I happen to find it while I was checking my email. I edited some typos and it may not be exactly the same as what was published in the paper.]

Friday, June 8, 2012

Doomsday at ang mga Good Sa[mari]tans

“MAGSISI KAYO AT MAILILIGTAS MULA SA GALIT NG SANLIBUTAN. 
MALAPIT NA ANG KATAPUSAN!”

Malimit mo itong makikitang nakasulat sa karatulang nakasabit sa leeg ng matandang gusgusin. I-visualize mo, isang tipikal na ermitanyo mula sa mga kwentong nagpasalin-salin na ang nagpuputak, madalas sa harap ng mga simbahan, tungkol sa huling pag-ikot ng mundo. Sigurado akong minsan, kahit isa man sa mga pelikulang napanood mo, ay may eksenang ganito. Ewan ko ba, pero magugunaw na nga ba ang mundo?

REWIND. Ilang beses ko nang narinig ‘tong statement na ito. Marami na ring predictions, conspiracy theories at debate ang tila ba mga kulugong umu-usbong ng paulit-ulit mula sa paksang ‘yan. Kesyo sabi ni Nostradamus o nahulaan ng mga Mayan na matatapos na ang pagtutrumpo ng Bathala gamit ang Earth. Asan na ba ‘yung galactic alignment na maghuhudyat ng Armageddon. Susmaryahosep, 2012 na pero  wala pa namang nangyayari at patuloy pa rin naman ang mga kapatid nina Lacoste at Crocs sa panganagasab ‘dun sa itaas.

Maiba nga tayo. Hindi naman ‘yan ang gusto kong paghuntahan natin. Bet ko lang pag-usapan ang somewhat “guilt trip”  na dulot ng ideyang ito. Ano ba ang pagkakaparehas ng eleksiyon, pagbabayad ng buwis at ng end of the world? Ano pa e di ang walang kakupas-kupas na paghahabol sa oras maka-abot lang sa deadline. Cramming! 

Maraming taong sa tuwing maririnig ang so-called end of the world ang tila ba may mga switch sa katawan na bigla na lang naka-program as good Samaritans. Dahil din sa hype sa near extinction ng mundo maraming napaparanoid. Kung anu-ano na nga ring mga public service programs at shows sa telebisyon ang naglalabasan.

Nakakatawa lang na may iba na talagang garapalan na sa pagsasalba ng kaluluwa. Tipong sila na ang may ari ng mga charities at natural na mga pangalan nila ang dapat nakabalandra sa mga streamers; give-away mugs, pins at mga pamaypay; at syempre ang mga billboards na nagkalat sa kung saan. Ang ilan naman nangungolekta ng mga testimonials sa mga taong natulungan nila at ginagawa pang commercials. The more the merrier at mas maraming nakakaalam the more chances of winning. Para silang mga kung sinong attorney na nangangalap ng ebidensya para ipagtanggol ang kanilang mga sarili kung dumating na ang paghuhukom. E ang mga switik, kung tutuusin barya lang naman ang iniaabot ginagawa pang big deal.


Naniniwala kasi akong kung ano ang ginawa ng kanan mong kamay e hindi na kailangan pang malaman ng kaliwa. ‘Yung iba kasi nakatutulong lang kapag may ibang nakatingin. Natural na dapat na impulse ang tumulong sa mas mahihina, sa nangangailangan at sa ‘di nakaluluwag. Well ayoko namang maging preachy at baka isara mo na ito.

Dahil kahit sino maaring tumulong. Wala namang binabagayan ang paggawa ng kabutihan. Lahat tayo maaring tumulong- malaki man o maliit na tulong. May nakamasid man o wla. Maiwan ko lang ang sinabi ng tatay ni Rogelio sa Kapitan Sino ni pareng BO:

Tungkuling mong tumulong sa kapwa dahil may kakayanan ka at gusto mong tumulong.  
Tingin ko sapat na ‘yon para ‘di masunog ang kaluluwa mo sa kawa ng mantika at maging isa kang spicy chicharon. 

Kanina nga pala pauwi habang nakasakay ng FX, may bata kaming kasabay na halatang nalilito. Parang pusang nawawala at ‘di mahanap ang daan. Habang binagbagtas ang kahabaan ng EspaƱa bago ako makababa, naglakas loob siyang magtanong. “Lampas na ba ng Dangwa?” Bobo ako sa direksyon pero sapat na ang mala-manok kong utak para malaman na mali ang nasakyan niya. Well, pagkababa eh naglakas loob na rin akong tulungan siya. Bibili ng flower para sa jowa. May one point na ako. Testimonial puh-lease! 

At dahil nai-share ko ito ganap na nga akong isang good Samaritan. Biglang umalingawngaw sa background, “Papa don’t preach... (to fade)...”

Tuesday, June 5, 2012

Mga Shit na Ayaw ng Nag-aastang Boss

May mga taong sobrang maayos sa mga gamit at ayaw na ayaw na pinakikialaman ang mga ito. ‘Yun bang tipong kapag may nalihis lang ng konti sa mga gamit ay tila nawawala na sa katinuan. Hahanap panigurado ng sisisihin at magdideklara ng giyera kesehodang isang push pin lang ang nawala sa gamit nila. Naaalala ko kapag may mga bagong gadgets ang mga friends, todo ingat at baka magasgasan. Kapag nagasgasan na ipinagluluksa ng bongga pero makalipas ang ikalawa at ikatlo, bara-bara na.

Idagdag pa, may mga taong naiinis sa kilos o pananalita ng ibang tao at pilit na ipinapalunok sa iba ang mga bagay na nakagawian nila. Tipong huhulihin ka ng parak kapag ‘di nasunod ang gusto. Gaya ni partner kapag namimili sa grocery, inis na inis kapag basta-basta ko na lang nilalapag ang mga goods sa counter. Gusto niya categorized (de lata kung e lata, biskwit kung biskwit) at ayon sa laki o hugis. Minsan natatanong ko na lang ng tahimik sa aking sarili, “May discount ba ‘pag aayusin ang paglagay ng mga pinamili sa counter?” At ako’y iiling-iling na lang hanabg dala ang mga supot ng pinamili.

Panigurado ako at ipupusta ko ang bayag ng aso ng kapitbahay namin na lahat tayo ay may kani-kanyang listahan ng  mga ayaw na Gawain o practices na kinaiinisan sa ibang tao. Ito ang listahan ko, malamang ang iba dyan eh parehas tayo.

Pagpisil sa itaas na bahagi ng toothpaste tube. Ewan ko ba. Naiinis ako ‘pag nakikita ko na may marka, dahil sa pagpisil, sa gitna o itaas na bahagi ng toothpaste lalo na ‘pag bago pa ito. Kulang na lang maglagay ako ng note sa mga toiletries. Makikipag-away talaga ako. Mag-conduct kaya ako ng seminar at mapalaganap ang tamang pagpapalabas ng malapot na puting likido mula sa mga tubo.

Paghahalo-halo ng mga damit sa closet. Ayaw na ayaw ko ng magulong cabinet. Kaillangan hiwalay ang puti sa de kolor at nakatupi o ‘di naman kaya ay nakahanger ang mga damit. Dati maya’t maya akong nagtutupi at kailangan color coded. Sobrang particular ako dati pero na-outgrow ko na rin. Ngayong nasa isang dorm ako nakatira, ‘di ko na maiwasang mapaghalo-halo lao ‘pag hectic na ang sked. Mabibilang mo na lang panahon na maayos ang damitan gaya ng ‘pag katatapos magtupi ng mga nilaba at ‘pag paubos na ang mga damit.

Maingay na pag-nguya. Isa ito sa number one na kinaiinisan din ni partner. May mga tao kasing kung ngumuya eh palaging may kasamang sound effects to the extent na matutukoy mo na ‘yung kung anong kinakain nila. Lalong nakabibwisit kapag panay ang talak habang nag-o-overflow ang laway nila.

Pagdura, pag-ihi, pagsinga sa kung saan-saan. Talaga namang ‘di patatawarin ang mga taong durara at dugyot. Astang nabili na nila ang mga pampublikong lugar. Nakapang-iinit ng ulo lalo na kapag nananahimik ka sa isang tabi at bigla ka nalang makakaramdam ng mamasa-masa, mainit-init at fresh na fresh na laway o kaya’y sipon sa binti o paa mo. Solb na solb!

Pagkuskos ng balat sa ‘di naahit na bigote o balbas. Stubbles is the re-growth of shaven hair, when it is short and has a rough, abrasive texture ang sabi ni Wikipedia. Magaspang. Nakakatusok. Ganyan ang pakiramdam ‘pag naikuskos sa balat ang di naahit na buhok sa mukha. Ayaw na ayaw ko ng ganitong pakiramdam pero aamin ako, guilty rin ako rito lalo pag ginapang ng ng alindog ng katamaran. Ganun ‘din ba ‘yung stubbles sa ibaba?


Kung listahan lang ay baka ‘di na tayo matapos. Ang iba diyan napulot ko sa ibang nilalang at ‘yung iba naman nahiram ng iba. Minsan badtrip lang na may mga taong kunwari ayaw sa mga bagay-bagay at kung anu-ano pang habits pero kapag wala nang nakatingin e sila pa ang bumibida. Paumanhin, kalimitan din akong at fault sa mga gawaing ayaw ko. Well, changes and changing are habits that are instant. Pwedeng magbago ng mga gusto at ayaw ang isang tao, ‘wag lang masyadong gawing big deal ang lahat. To each his own, ika nga!

Monday, June 4, 2012

Tang with Vitamin A at mga Bobong Eskapeyds

Simula ng iitsa ako mula sa bukanang nagbigay sa akin ng buhay hanggang sa mga panahon ngayon kung kailan ilang beses ko nang namasdan ang hilatsa ng parehong bukana sa internet, wala pa ring iniusad ang pagkatuto ko sa direksyon. Tengeneng yan!

Maalala ko nung unang araw kong pumunta ng Makati. Kinailangan kong maglakad ng malayo makapunta lang sa terminal ng jeep papuntang LRT Central Station. Alam ng maputla kong masel sa ulo na may mas malapit na daan pero dahil medyo rational pa naman siya mag-isip, pinili nito ang lesser evil. Hindi bale nang malayo basta ‘di ako maligaw.

Tagaktak ang pawis, kailangan pang punuin ang jeep. Hindi naman init ang dahilan ng pag-iyak ng mga glandula sa aking kili-kili kundi ang kaba at mga tandang pananong na nagsasayawan sa ere. Dahil ayoko ng nagmumukhang tanga, acting mode ako. Cool lang. Kunwari maalam ako sa pupuntahan. Titiyempo na lang ako kung may bababa rin. Swerte, isinigaw ni mamang tsuper na kailangan ko nang lisanin ang sasakyan niya. Parang biglang nagbabaan ang mga anghel mula sa langit. Heaven!

Pagdating sa station aba siyempre astang kabisado na. Nang makababa ako sa Gil Puyat sumakay ako ng FX. Sinabi ko kay mamang drayber ang lugar na pupuntahan. Tumango siya, hidyat na nagkaintindihan na kami. Pagkasakay ko biglang umilaw ang phone, nagtxt ‘yung isa kong kasama, nasaan na raw ako. Reply ako, “Lapit na ako. Hehe (insert smiley).”

Bigla akong nakaramdam ng pagkahilo. Mistulang umiikot ang paligid at  biglaang lumitaw ang imahe ng mga sunog baga sa kalye ng dorm mula sa kawalan nang matauhan ako. Panic attack. Nagcounter-flow ampota. Relax lang. Poker face para ‘di mahalata. Nagtataka na ako kung bakit ang mga ikinakarga ni Manong ay papuntang UN. Na-confirm ang hinala ko nang magtanong, finally, si Manong. Sabi ko sa Paseo ako ang sabi niya pabalik na nga raw ng UN. Pinabab niya na ako sa tabi at mapapalayo raw ako. Naawa yata at hindi na ako siningil. Pigil ang galit at tawa. Ang gago naman kasi akala ko may mutual understanding na kami.

Nakarating din naman ako sa destinasyon sa tulong ng taxi ulit. Nungka, nahiya naman ako sa tsuper nung nasakyan ko dahil siya raw dati gumagamit ng GPS. Kinabukasan naulit uli. Ako kasi yung tipong idiot pagdating sa direksyon. Kahit pa i-specify mo na at iguhit ang pupuntahan, pustahan mawawala ako. Wala ring kahulugan ang north, south , east at west. Madalas ko ring napagbabaliktad ang kanan at kaliwa. May kakambal yata akong tiyanak kaya normal na sa akin ang maligaw. Ugaliin ko kayang baliktarin ang damit ko. Pati brief kung kailangan.

Naalala ko rin na nawala ako sa subdivision dati nang mautusan akong bumili ng bagoong. Hindi ko naman pwede isisi sa magkakamukhang bahay ang aking sinapit dahil isang kanto lang ang layo ng tindahan sa bahay ng Tita. Sadyang nasobrahan lamang ako sa juice na may vitamin A. Hindi rin miminsan na naiisahan ako ng mga taxi driver. Tulad dati sa Baguio, sumakay kami ng mga kaibigan ko ng taxi papuntang PRC, iniikot kami ng pagkalayo-layo. Pumaimbulog ang sigh of relief dahil buti raw at nag-taxi kami. Pagkababa naming ng taxi, napakamot na lamang kaming lahat dahil nasa likod lang naman pala ng gusali kung saan kami galing ‘yung PRC.

Ugali ko nang hanapin sa google maps ang direksyon kapag may pupuntahan pero kahit anong pili kong tandaan e sadyang bobo talaga ako sa direksyon. Minsan sinubukan kong i-google kung may nagtuturo ba ng sense of direksyon at mag-e-enroll ako tiyak.

Muli na namang namumutla ‘yung laman sa loob ng bungo ko. May balak kasing maghanap ng trabaho bukas. Hay naku, wish ko lang ‘di ako mawala. Sino ba ang santo ng mga nawawala? Alam niyo ba? Makapagdebosyon nga at nang mabawasan ang pagkabobo ko.

Buti pa yung batuta ni Mang Kanor, atras-abante lang. Tengeneng Tang with Vitamin A yan!