Sunday, June 10, 2012

One-sided

Namumula ang kalangitan sa pagbubukang-liwayway.

Tumilaok ang tandang ni Mang Gusting habang unti-unti nang nabubuhay ang paligid. Nananatili pa rin si Chito sa kanyang pagkakabaluktot sa kama. Mistulang namanhid na’t nanigas na parang bato.

Natutulala. Pinaglalabanan ang mga emosyong nais kumawala. Ang mga luhang kinatatakutan niyang maglandas.

Tuluyan na siyang sinikatan ng haring araw. Pinipilit niyang magbalik sa pagtulog kung saan mas nanaisin niyang maglunoy sa mga panaginip. Nais talikuran ang umaga – umagang umpisa ng buhay na wala siya. Nagpapanumbalik sa kanyang isipan ang mga bagay sa kuwartong ‘yon. Mga alaala ng nagdaang gabi.

Ang lukot-lukot na kumot sa kamang hihihigaan niya, na siyang kumanlong sa dalawang pusong nagmamahalan. Mga pinggan sa mesita. Amoy ng kanyang pabangong nadikit sa unan. Patuloy na pagtik-tak ng orasan. Subalit may higit pang nakasasakit. Ang napilas na larawan. Basag na baso. Alingawngaw ng huling pahimakas. Ang pagpinid ng pinto. Lalong higit ang pagkawala ng hirap ng paglalakbay na suot ang parehas na kanang tsinelas na naglaho sa kumunoy ng mga matatamis na alaalang pilit tinapos.

Muling pipiliting bumangon ni Chito. Minasdan ang kabuuan ng lahat.  Haharapin ang dapat. Ngunit naglalaho ang lahat nang mapagtantong ang nag-iisang kanang pares ng tsinelas ang siya niyang makakapiling simula ngayon. Bumuhos ang ulan. Nanunuot hanggang buto.

Anong hirap ang maglakbay ng parehong kanan ang tsinelas ay balewala kung maglalakad nang isa lamang ang suot. Alam niya. Gaano man kakapal ang kalayo sa kanyang puso’t paa.

No comments: