Monday, June 4, 2012

Tang with Vitamin A at mga Bobong Eskapeyds

Simula ng iitsa ako mula sa bukanang nagbigay sa akin ng buhay hanggang sa mga panahon ngayon kung kailan ilang beses ko nang namasdan ang hilatsa ng parehong bukana sa internet, wala pa ring iniusad ang pagkatuto ko sa direksyon. Tengeneng yan!

Maalala ko nung unang araw kong pumunta ng Makati. Kinailangan kong maglakad ng malayo makapunta lang sa terminal ng jeep papuntang LRT Central Station. Alam ng maputla kong masel sa ulo na may mas malapit na daan pero dahil medyo rational pa naman siya mag-isip, pinili nito ang lesser evil. Hindi bale nang malayo basta ‘di ako maligaw.

Tagaktak ang pawis, kailangan pang punuin ang jeep. Hindi naman init ang dahilan ng pag-iyak ng mga glandula sa aking kili-kili kundi ang kaba at mga tandang pananong na nagsasayawan sa ere. Dahil ayoko ng nagmumukhang tanga, acting mode ako. Cool lang. Kunwari maalam ako sa pupuntahan. Titiyempo na lang ako kung may bababa rin. Swerte, isinigaw ni mamang tsuper na kailangan ko nang lisanin ang sasakyan niya. Parang biglang nagbabaan ang mga anghel mula sa langit. Heaven!

Pagdating sa station aba siyempre astang kabisado na. Nang makababa ako sa Gil Puyat sumakay ako ng FX. Sinabi ko kay mamang drayber ang lugar na pupuntahan. Tumango siya, hidyat na nagkaintindihan na kami. Pagkasakay ko biglang umilaw ang phone, nagtxt ‘yung isa kong kasama, nasaan na raw ako. Reply ako, “Lapit na ako. Hehe (insert smiley).”

Bigla akong nakaramdam ng pagkahilo. Mistulang umiikot ang paligid at  biglaang lumitaw ang imahe ng mga sunog baga sa kalye ng dorm mula sa kawalan nang matauhan ako. Panic attack. Nagcounter-flow ampota. Relax lang. Poker face para ‘di mahalata. Nagtataka na ako kung bakit ang mga ikinakarga ni Manong ay papuntang UN. Na-confirm ang hinala ko nang magtanong, finally, si Manong. Sabi ko sa Paseo ako ang sabi niya pabalik na nga raw ng UN. Pinabab niya na ako sa tabi at mapapalayo raw ako. Naawa yata at hindi na ako siningil. Pigil ang galit at tawa. Ang gago naman kasi akala ko may mutual understanding na kami.

Nakarating din naman ako sa destinasyon sa tulong ng taxi ulit. Nungka, nahiya naman ako sa tsuper nung nasakyan ko dahil siya raw dati gumagamit ng GPS. Kinabukasan naulit uli. Ako kasi yung tipong idiot pagdating sa direksyon. Kahit pa i-specify mo na at iguhit ang pupuntahan, pustahan mawawala ako. Wala ring kahulugan ang north, south , east at west. Madalas ko ring napagbabaliktad ang kanan at kaliwa. May kakambal yata akong tiyanak kaya normal na sa akin ang maligaw. Ugaliin ko kayang baliktarin ang damit ko. Pati brief kung kailangan.

Naalala ko rin na nawala ako sa subdivision dati nang mautusan akong bumili ng bagoong. Hindi ko naman pwede isisi sa magkakamukhang bahay ang aking sinapit dahil isang kanto lang ang layo ng tindahan sa bahay ng Tita. Sadyang nasobrahan lamang ako sa juice na may vitamin A. Hindi rin miminsan na naiisahan ako ng mga taxi driver. Tulad dati sa Baguio, sumakay kami ng mga kaibigan ko ng taxi papuntang PRC, iniikot kami ng pagkalayo-layo. Pumaimbulog ang sigh of relief dahil buti raw at nag-taxi kami. Pagkababa naming ng taxi, napakamot na lamang kaming lahat dahil nasa likod lang naman pala ng gusali kung saan kami galing ‘yung PRC.

Ugali ko nang hanapin sa google maps ang direksyon kapag may pupuntahan pero kahit anong pili kong tandaan e sadyang bobo talaga ako sa direksyon. Minsan sinubukan kong i-google kung may nagtuturo ba ng sense of direksyon at mag-e-enroll ako tiyak.

Muli na namang namumutla ‘yung laman sa loob ng bungo ko. May balak kasing maghanap ng trabaho bukas. Hay naku, wish ko lang ‘di ako mawala. Sino ba ang santo ng mga nawawala? Alam niyo ba? Makapagdebosyon nga at nang mabawasan ang pagkabobo ko.

Buti pa yung batuta ni Mang Kanor, atras-abante lang. Tengeneng Tang with Vitamin A yan!

No comments: