Hindi ko alam kung saan ako
mag-uumpisa. Paano nga ba mag-aayos ng mga sira? Panonoorin ko na lamang ba sila
sa kanilang mumunting ekspresyon ng kalayaan o paulit-ulit ko na lamang bang
mamasdan ang ganitong mga eksena?
“Kuya, pahingi ako,” pangungulit ng batang gusgusin.
Kanina
pa kasi ako nagugutom kaya inaya ko si Roy na kumain sa fastfood. Tutal may
extra pa naman akong pera.
Mainit kasi ang panahon at talagang bumabaha na ang pawis ko. P'wede nang pigain at isampay ang t-shirt ko para patuyuin.
Umorder
kami ng large fries at monster float para sa layaw ng mga alaga sa tiyan at
pamatid na rin ng uhaw. Puno na sa loob. Badtrip! ‘Yung aircon pa man din ang
isa sa mga dinayo namin. Sa labas na
lang kami. Naupo. Nagkuwentuhan. Nagpalipas-oras.
Lilibot-libot ang mga batang
lansangan. Nanlilimahid sa pawis, marungis, sabog ang mga buhok at humpak ang
mga mukha. May kayakap na nakasusulasok na amoy. Hindi ko mapigilan ang
magtakip ng ilong. Hindi ko naiwasan ang mangutya.
Parati
kong pinapanood ang mga batang ‘yun. Sa tuwing kakain kami sa fastfood ay
nariyan din sila. Patakbo-takbo. Paparoo’t parito. Sira na ang mga buhay
niyan. Wala nang patutunguhan. Naghihintay na lamang ng sundo. Yan ang mga salitang
umiikot sa aking isip.
Sa murang mga edad ay
nakikibaka na ang mga musmos na ito para sa survival. Hindi totoo ‘yung
sinasabi ng iba na pantay-pantay ang mga tao. Hindi ako naniniwala sa swerte o
sa malas pero sa tuwing masisilayan ko ang mga batang ‘yun habang pinapasan ang
hirap ng buhay, na kung tutuusin ay dapat na ini-enjoy nila, hindi ko mapigilan
ang mapa-isip. Ang malas
naman nila! Kung
hindi, gugustuhin ba naman nilang maging ganoon?
Nakukulitan na ako. Ayoko rin
namang marungisan ang uniporme ko. Kalabit kasi ng kalabit ‘tong batang ito.
Hindi na umalis e wala naman siyang mahihita. Si Roy patay malisya, parang
walang nakikita. Ako kasi ang pinagdidiskitahan ng bata. Suko na ako.
“Eto boy,” sabay abot ng limang pirasong French
fries.
Lumipat ‘yong bata sa ibang
mesa. Wala man lang sinabi. Hindi ko maikakailang nainis ako. Salamat lang
naman ang hinihintay ko e. Pero sa kabilang ng pagkabuwist ko, may kung anong
kumurot sa akin mula sa kawalan. Limang piraso lang ang binigay ko. Ang yabang
ko naman ‘ata para mag-demand ng “thank you” sa isang batang hindi alam kung
saan kukunin ang susunod na isusubo sa kanyang nanunuyong bunganga. Isa pa,
wala rin namang mga magulang ang mga batang ‘yon na gagabay sa kanila. Uunahin
pa ba nilang isipin ang ibang bagay kaysa ang ilalaman sa kanilang
kumukulong mga sikmura.
“Mga salot magsilayas
kayo dito,” umalingawngaw
ang boses ng isang babae. Mataba. Mukhang mula sa marangyang pamilya,
patunay ang nagkikinangang batong nakapalawit sa kanyang mga braso at leeg.
Tindig aristokrato. Nakapameywang pa’t napakataas ng kilay. Isama mo na ang
makintab niyang damit at mukha. P’wedeng pagprituhan ng fries.
“Guard! Nasaan ba ang
mga gwardiya dito. Ganito ba ang serbisyo n’yo. Mga letseng bata. Hala, tsupi,” patuloy ang ale sa pagbulyaw. Nakakuha ng
atensyon ang Aleng umeksena.
“Gwardya, sibat na
tayo!,” sigaw
ng isang bata. Nagsitakbuhan ang mga paslit
kasunod ng pito ng gwardiyang iwinawagayway ang batuta. Mabilis ang mga tagpo.
Maingay. Nawalang parang bula ang mga yagit. Malayang-malaya. Tila mga mayang
unang beses ikinampay ang mga pakpak. Kasunod nito ang malakas at
nakabibinging busina. Mahabang patlang. Sira na nga ba talaga? May magagawa
pa ba ako? Kelan kaya makukumpuni ang mga sira?
“Tara na uy, mahuhuli
tayo sa klase,” yaya
ni Roy. Natigil ako sa aking pagbubulay-bulay. Hindi ko pala kayang ubusin ang large
fries. Sayang, ibinigay ko na lang sana sa bata. Baka ‘yun na ang huling kain
niya ng fries, sana man lang nabusog siya.
“Kuya, pengeng French
fries!” Paulit-ulit.
Hindi na makukumpuni.
[NOTE: This is a
literary work published when I was a writer of THE GOLDEN HARVEST, the
Official Student Publication of the Tarlac College of Agriculture. I happen to
find it while I was checking my email. I edited some typos and it may not be
exactly the same as what was published in the paper.]
2 comments:
Loko. Nun binabasa ko napaisip Ako kung bakit ka naka uniform at me klase. Huli ko na nabasa. Adik
hehe, nasa hulihan kasi 'yung disclaimer teh. salamat sa comment. Una ko atang comment to. You made a difference. Tenkyu!
Post a Comment