Saturday, June 30, 2012

Buy at Your Own Risk

Napakalaki na ng epekto ng komersyalismo kalakip ng marketing/advertising sa buhay ng tao. Hindi ko mawari kung bakit nabubuhay tayo (kasama ako) base sa standards na itinakda ng iilang tao. Kakatwang isipin na parang mga zombie ang mga consumer sa kakabili at pagsunod sa mga trends habang nagpapakabundat naman ang mga bulsa ng mga taong nasa likod ng mga produktong ito.

Sa isang banda maihahambing ang pag-aadvertise sa hipnotismo sa paraang pilit na hinihikayat ang mga taong bilhin ang mga produkto na umaabot na sa puntong iisipin mong necessity ang mga ito. Maraming paraan kung paano masisilo ang mga consumer sa pagbili ng produkto o paggamit ng mga serbisyo. Narito ang ilan sa mga madalas kong mapansin.

Demonstration: “Epektib ‘to. Ayan oh, kita mo?”
Kadalasan itong isinasagawa sa shopping centers, supermarkets at matataong lugar. Isang klasikong halimbawa ay ang mga promodizers na nakamikropono at nagtatawag ng mga manonood upang ipakita ang mga kayang gawin at superpowers ng mga produkto nila. Parang ‘yung plantsang may built in spray, knife set, pang-is-is ng kaldero, de-bateryang brush, gold na di namumuti ‘pag binabad sa kalamansi, scratch-proof monitor at kung anu-ano pa. Isa pang example ay ang before and after na eksena sa mga patalastas. Dahil kita mo agad ang malamang na resulta base sa mga nakikita mo at napabilib ka ng demo malamang na idadagdag mo na ang mga produktong ito sa shopping list mo.

Bandwagon: “Ikaw na lang ang wala pa nito, cool ‘to dude!!”
Are you in or out? Style ito ng mga manufacturer kung saan pinagdidikdikang ‘cool’ ang gumamit ng produkto o serbisyo nila. Tipong “I’m not born yesterday!” ang mensahe. At dahil nagiging trend at ayaw mong mapag-iwanan sa uso, gagawa ka ng paraan makabili o makagamit lamang ng mga ito. Kapag wala ka kasi ng mga ito, ikaw na ang baduy at pinaka-uncool na to sa mundo.

Statistics: “Did you know that 9 out of 10 blah blah blah...”
Ito ‘yung mga produktong parang mahirap nang tanggihan. Backed with studies at facts kasi ang pagpepresent ng mga ito. Kunware, ang hydroquinone ay isang melanin limiting chemical. Ang melanin ang dahilan kung bakit maitim ang kuyukot, este, ang balat in general. So dahil may study at nakita mong present sa sinabing “skin whitening cream”  bili ka agad nito. Hind mo lang alam ‘di ka naman pinapaputi nito dahil nililimit lang naman ang melanin production. Pero minsan gamit ang iba pang kemikal puputi ka naman talaga pero lifetime na ang paggamit mo ng ganitong product or you’ll go ricocheting sa pagiging negra. Isa pa ‘yung statistics na 9 out of 10 households are using this product chenilyn. Confident ka sa figures at mas papaboran mo dahil nga karamihan ay preferred itong gamitin. Ang nakakabobo lang lahat ng magkakakompitensyang produkto iisa ang sinasabi. Parang nagkopyahan lang sa exam.

Promotions: “We have an offer that will certainly benefit you and save you money.”
Sales, discounts, loyalty offers, buy back guarantee at kung anu-ano pang mga pakulo. Isa ito sa mga malalakas sa bentahe ng kumpanya. Isa sa pinakapopular na halimbawa nito ang mga “buy one, take one offers”. Dahil mas mura nga naman sa karaniwang presyo at dalawang item ang iuuwi mo, you will certainly be compelled to buy kahit di mo kailangan. Impulsive buyers ang karaniwan nitong target. Pero kung susumahin eh pasok naman sa presyo ang producton cost ng dalawang item at may tutubuhin pa rin ang mga manufacturers. Akala mo lang naka-save ka ang totoo overpriced ‘yung regular nitong presyo. Another example ‘yung pabibilhin ka ng produkto nila na 'pag umabot ka sa cap, ang peg, may’ron kang gift certificate. Iisipin mong makakamura ka pero ‘yung gift cert eh valid lang naman gamitin sa mga produkto rin nila. Ang labo, ending, sila rin ang talagang nakinabang sa purchase mo. T_T

Star Power: “I am a star, ‘pag bumili ka, you are also a star.”
Alam mo na. Artistang gwapo at maganda. Dahil idolo mo gusto mo lahat ng gamit niya meron ka. Bili ka lang ng bili dahil tingin mo gagnada/popogi ka ‘rin. Minsan kapag ’di ka bumili ikaw na ang pangit. Asar lang minsan na sa halip na hygienic factor ang prinopromote eh ‘yung added beauty ang ginagawang platform sa mga produkto.

Heartstrings: “If you buy, you help support a charity...”
Eto yung mga strategy na sumusundot sa emosyon ng mga consumer. Emotional attachment is a very compelling tool. Halimbawa na ang mga commercials na may mga bata na madaling ikinatutuwa ng mga mamimili. Sino ba naman ang makakatanggi sa mga cute na batang nagpro-promote ng product. Isa pang madaling makahikayat ay yung mga motion editorials na ang pa-epek ay alleviating lives, connecting friends and love ones kung san makikita mong habang ginagamit nila ang serbisyo ay nakangiti ang mga commercial models na parang perfect life drama. Ang pinaka-ayaw ko ay ‘yung mga charity campaigns daw na sa bawat purchase ay may porsiyentong mapupunta pantulong sa mga ito. Guilt trip ampota. Parang ang sama mo na ‘pag ‘di ka bumili dahil wala kang kunsensiya dahil sa hindi mo naisip ang tumulong.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga istratehiyang ginagamit para maging mas saleable pa ang isang produkto o serbisyo. Minsan kumbinasyon ang mga ito na mas nakakahikayat ng buyers at loyalist.

It is very ironic. Nakakatawa na ang mga bagay na ‘di ko pinaniniwalaan dati bilang consumer ay hayagan ko nang isinasabuhay bilang isang sales agent. Minsan nadadaan na lang sa positive scripting para lang mapilit si customer na “kailangan” niya ang produkto at discreetly implying na hindi siya p’wedeng tumanggi. Matutuwa ka bilang ahente na may mga taong napakadaling kumagat sa mga sales offer at promotions. Although minsan ‘di ako pabor sa mga misleading ads, pero dahil parte ng trabaho I just make it a point na mamamaximize ni customer ang mga produktong bibilhin sakaling kagatin ang offer.

Para sa mga consumer, mainam na tignang mabuti ang mga produkto. Huwag basta basta bibili. Kung maari magbasa ng mga reviews lalo kung long-term investment ang ipu-purchase though, sometimes, isa ring strategy ng mga kumpanya ang mga reviews. Bale, buy at your own risk and be wise sa mga desisyon na lang. Sige na, add to cart and check out please!

No comments: